EASTER Sunday ngayon o Pasko ng Pagkabuhay. Isa ito marahil sa pinakamahalagang bahagi sa kasaysayan ng Kristiyanismo na nagpapatunay na may kabilang buhay pagkatapos ng kamatayan sa mundong ito. Kung hindi bumangon mula sa libingan si Hesukristo, tiyak na mababalewala ang lahat ng aral Niya at ng itinatag niyang Simbahang Katoliko na may panibagong buhay sa piling ng Dakilang Diyos.
Kung tuwing Disyembre 25 ay ipinagdiriwang o ginugunita ang kanyang pagsilang bilang simbolo ng pagmamahalan, kapayapaan, pagkakasundo at pagtubos sa kasalanan ng mundo, ang Pasko ng Pagkabuhay naman ay ginugunita bilang tagumpay ng anak ng Diyos sa kamatayan. Patunay na ang isang tao ay muling mabubuhay pagkatapos niyang manirahan sa mundo.
Isang paring katoliko, si Fr. Mariano Pilapil na isinilang sa Baryo San Jose, Bulakan, Bulacan noong 1759, ang sumulat ng “Pasyong Mahal ng Panginoong Hesukristo”, may 202 taon na ang nakalilipas. Ang “Pasyon” na isinulat ng paring Bulakenyo ay isang mahabang salaysayin tungkol sa paghihirap, kamatayan at resureksiyon ni Hesukristo na inaawit ng mga mananampalataya sa mga bisita (chapels) at simbahan sa buong bansa.
Ayon kay Jose Jaime Salvador Corpuz, may-akda ng “Mohon, Mga Bulakenyong Biyaya ng Kasaysayan”, isinulat ni Pilapil ang Pasyon noong 1814. Sa kanyang aklat, itinuring ni Corpuz si Fr. Pilapil bilang pinakasikat na “Tagalista” dahil sa kagalingan at kasanayan sa Tagalog. Si Corpuz ay isang heritage at tourism consultant. Dati rin siyang pangulo ng Bulacan Heritage Conservation Society.
Nagtapos ng high school sa San Carlos University at kumuha ng undergraduate degree at doctorate sa UST, si Pilapil ay natalaga bilang isang guro sa Colegio Real de San Jose noong 1812, na rito ay tinuruan niya si Francisco Baltazar o Balagtas sa pagsulat. Siya ang kumatha ng sikat ng “Florante at Laura”, na nabasa ni Jose Rizal at naging inspirasyon niya.
Namatay si Pilapil noong 1818, apat na taon matapos sulatin ang “Pasyon” ng Panginoong Hesukristo. Ayon kay Corpuz, hanggang ngayon ay hindi pa nabibigyan ng angkop na pagkilala ang paring Bulakenyo bilang natatanging anak ng bayan ng Bulakan o ng buong lalawigan.
Sa ngayon, may Padre Pilapil Street sa bayan bilang pagkilala sa kanya. Sinabi ni Joey Rodrigo, Bulakan municipal tourism officer, imumungkahi niya na magtayo ng isang monumento para kay Pilapil, tulad ng pagtatayo ng monumento kay Padre Mariano Sevilla sa Brgy. Sta. Ana. Si Sevilla ang nagpasimula sa pagdiriwang ng Flores de Mayo sa bansa noong 1865.
Tulad ng mga bayaning sina Marcelo H. Del Pilar (Plaridel) at Gen. Gregorio del Pilar, marahil ay tama lamang at makatwiran na ipagtayo ng isang monumento si Padre Mariano Pilapil dahil sa pambihira niyang kontribusyon sa Simbahang Katoliko sa pamamagitan ng kanyang “Pasyong Mahal ng Panginoong Hesukristo” na hanggang ngayon ay inaawit sa mga bisita at simbahan sa marming lugar ng Pilipinas.