Matapos isailalim sa kustodiya ng Pilipinas ng halos tatlong linggo, pinayagan na rin ng Philippine Coast Guard (PCG) na magtungo sa China ang North Korean vessel na M/V Jing Teng mula sa pagkakadaong sa Port of Subic sa Zambales.

Ito ay matapos ipag-utos ng Department of Transportation and Communication (DoTC) sa PCG na palayain na ang North Korean ship matapos ikulong ang 21 crew nito nang tatlong linggo.

“The ship was released last March 25 at around 1:54 p.m. and it is going to Shindong, China,” pahayag ni PCG Spokesperson Commander Armand Balilo.

Matatandaan na inilagay sa kostudiya ng Coast Guard ang M/V Jing Teng isang araw matapos itong dumating sa Subic noong Marso 3 upang magbaba ng palm kernel sa pantalan ng free port zone.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ang pagpigil sa North Korean vessel ay bilang pagtugon sa resolusyon na inilabas ng United Nations (UN) Security Council na nag-aatas sa lahat ng member-state nito na inspeksiyunin ang lahat ng barko ng naturang bansa.

Ang M/V Jing Teng, na nakarehistro sa Sierra Leone, ay kabilang sa 31 barko na kontrolado o pag-aari ng Ocean Maritime Management, na kabilang sa isinailalim sa “asset freeze” ng UN resolution.

Sa ngayon, ang Pilipinas ang nag-iisang bansa na nagpatupad ng UN sanction laban sa North Korea. (Raymund F. Antonio)