BINATIKOS ni Pope Francis ang tinawag niyang “indifferent and anaesthetised conscience” ng Europa tungkol sa usapin ng mga migrante, sa misa para sa Biyernes Santo sa Roma, at tinuligsa ang mga paring pedopilya, mga nagbebenta ng armas, at mga fundamentalist o silang sarado ang pang-unawa sa pananampalataya ng iba.
Libu-libong Katolikong mananampalataya ang nagtipun-tipon para sa misa, karamihan ay may bitbit na nasisindihang kandila habang nakapalibot sa tanyag na Colosseum ng siyudad, na libu-libong Kristiyano ang pinaniniwalaang pinaslang noong panahon ng Romano.
“O Cross of Christ, today we see you in the Mediterranean and Aegean Seas which have become insatiable cemeteries, reflections of our indifferent and anaesthetised conscience,” sinabi ng 79-anyos na Santo Papa, tinukoy ang libu-libong nakipagsapalaran sa pagsakay sa hindi matitibay na mga bangka upang makarating sa Greece at sa iba pang bahagi ng Europa.
Matagal nang nananawagan si Pope Francis sa pandaigdigang komunidad na buksan ang mga pintuan ng mga ito para sa refugees at labanan ang xenophobia—mga apelang binigyang-diin matapos magkaroon ng kontrobersiyal na kasunduan ang Europe at Turkey upang itaboy ang mga migranteng nagdadatingan sa Greece.
Hindi naman pinaligtas ng Papa na Argentine ang sarili niyang Simbahan, mariing tinuligsa ang mga paring pedopilya na inilarawan niya bilang “unfaithful ministers who, instead of stripping themselves of their own vain ambitions, divest even the innocent of their dignity”.
Patuloy na ginigiyagis ang Simbahang Katoliko ng mga kaso ng mga paring nagsasagawa ng pang-aabusong seksuwal at mga pagtatakip sa mga kasalanang ito. Ngayong buwan lamang, isang cardinal na Pranses ang naharap sa mga panawagan upang magbitiw na sa tungkulin kaugnay ng mga alegasyong itinaas niya sa tungkulin ang isang pari na napatunayan nang nagkasala sa seksuwal na pang-aabuso.
Sa harap ng nakapanghihilakbot na mga pag-atake sa Brussels noong nakaraang linggo, kinondena ni Pope Francis ang “terrorist acts committed by followers of some religions which profane the name of God and which use the holy name to justify their unprecedented violence”.
Idinagdag pa ng Santo Papa na ang “arms dealers who feed the cauldron of war with the innocent blood of our brothers and sisters” at nagalit sa “traitors who, for thirty pieces of silver, would consign anyone to death”.
Binanggit din ng Santo Papa ang tungkol sa kaawa-awang kalagayan ng mga batang lumilikas sa pag-iwas sa mga digmaan “who often only find death and many Pilates who wash their hands”—tinukoy si Poncio Pilato, na ayon sa tradisyong Kristiyano ay tumalima lamang sa hiling ng publiko na ipako sa krus si Kristo, upang masabing hindi siya ang personal na responsable sa kamatayan ni Hesus.
Binatikos pa ng pinuno ng Simbahang Katoliko ang mga nang-uusig sa mga Kristiyano, iginiit na “our sisters and brothers killed, burned alive, throats slit and decapitated by barbarous blades amid cowardly silence”.
Tinuligsa rin ni Pope Francis ang kulturang Kanluranin, tinukoy ang “our egotistical and hypocritical society”, na nagwawalang-bahala sa matatanda at may kapansanan at pinababayaang magutom ang mga bata. - Agencé France Presse