Umarangkada na kahapon ang kampanya para sa lokal na eleksiyon sa Mayo 9.

Kaugnay nito, kani-kanyang gimik ang mga tumatakbo para sa lokal na posisyon upang mahikayat ang mga residente na sila ang iboto.

Batay sa calendar of activities ng Commission on Elections (Comelec), Marso 25, 2016 ang orihinal na simula ng kampanya para sa local candidates.

Gayunman, dahil natapat ito sa Biyernes Santo, bawal munang mangampanya sa nasabing petsa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Maging ang mga kandidato sa national election ay pansamantalang tumigil sa pangangampanya sa paggunita sa Mahal na Araw.

Kasabay naman ng pagsisimula ng campaign period sa local positions, maaari na ring ipagpatuloy ng mga national candidate ang kanilang pangangampanya simula kahapon.

Sakop ng 45-day campaign period para sa local position ang mga kandidato sa pagka-kongresista, at mga kandidato sa elective position sa regional, provincial, city, at municipal levels.

Sa Mayo 7 magtatapos ang campaign period, dalawang araw bago ang halalan sa Mayo 9.

Sa datos ng Comelec, nasa 16,376 local position ang puntirya ng mga kandidato sa eleksiyon. (MARY ANN SANTIAGO)