Malaking adjustment sa play at istratehiya ang pilit binubuo ngayon ni San Miguel Beer coach Leo Austria para makaagapay sa pansamantalang pagkawala ni leading forward Arwind Santos.
Nauunawaan ni Austria ang kasalukuyang pinagdadaanan ni Santos kung kaya’t kailangan niyang bumuo ng bagong sistema, hanggat wala pa sa kanyang normal na katauhan ang two-time Most Valuable Player.
Puno pa ng hinagpis ang isipan at damdamin ng 6-foot-6 forward bunsod ng pagpanaw ng kanyang ina na si Araceli nitong Lunes Santo bunsod ng kumplikasyon. Matatandaang, hinimatay ang ina ni Santos habang nanood ng laro ng anak kontra sa Talk ‘N Te sa nakalipas na taon.
Naihatid na sa kanyang huling hantungan ang ina ni Santos, ngunit inaasahan ni Austria na hindi kaagad-agad makakabalik sa normal na sitwasyon ang kanyang pamosong player.
“He’s contemplating kung maglalaro ba siya o hindi, but I told him that I won’t force him to play,” pahayag ni Austria. “What’s important is his condition.”
Magbabalik aksiyon ang Beermen sa Linggo na Pagkabuhay ngayon laban sa Star Hotshots.
“Buti na lang, nasa eliminations pa lang, kaya makagagawa tayo ng adjustmet. Right, now focus naminyung mabigyan muna si Arwind nang sapat na panahon para sa kanyang pagluluksa,” sambit ni Austria.
Pundasyon ng matagumpay na kampanya ng Beermen, higit sa matikas na pagbangon mula sa 0-3 deficit kontra Talk ‘N Text sa Philippine Cup, ang matikas na si Santos.
“Talagang depressed sa ngayon, That’s understandable. He loved his mother very much,” pahayag ni Austria.
“Emotionally, wala siya sa sarili. Kinuwento niya yung mga nangyari sa kanya nung time na nag-struggle yung kanyang mother.”
“We will support Arwind all the way,” paniniguro ni Austria.