Itinuring ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang batuhan ng putik sa pangangampanya ng mga kandidato sa eleksiyon sa Mayo 9 bilang “thirst for position” na nagpapakita sa “sad” na kalagayan ng pulitika sa bansa.
“There’s been a lot of mudslinging. Regardless of whether it’s true or not, come what may, as long as the rival is overthrown,” ipinaskil ni Tagle sa CBCP News post sa bisperas ng Pasko ng Pagkabuhay.
Ayon sa cardinal, ang “ebanghelyo ng tagumpay” ay panlilinlang sa mamamayan mula sa iba’t ibang sektor at maging ang tinatawag na “crab mentality” ay hindi na rin maiiwasan sa pangangampanya.
“And once the opponent falls, you’ll declare, ‘It is finished!’” ayon kay Tagle.
Sinabi ni Tagle na ito ay nagpapakita na puno ng inggit at paninira ang karamihan sa mga pulitiko.
At dahil lasing sa personal na tagumpay, sinabi pa ng cardinal na marami ang nakalilimot sa pagmamahal at sakripisyo ni Hesus para sa sanlibutan na Kanyang pinatunayan sa pagpapapako sa krus noong Biyernes Santo.
Ang mga nananampalataya ay hindi dapat umakto tulad ni Poncio Pilato na ang tanging inatupag ay ang pansariling interes, at walang prinsipyo upang panindigan kung ano man ang sa tingin niya ay tama at nararapat.
“Let us not be like Pontius Pilate who chose his ambition over Jesus,” giit ni Tagle. (Leslie Ann G. Aquino)