Sisimulan ni Roldan Boncales Jr. ang kampanya ng Team Philippines sa 2016 AOB Asian / Oceanian Qualification Event ngayon, sa Tangshan Jiujiang Sport Center sa Quian’an, China.

Sasalang si Boncales Jr. sa Men’s Flyweight (52kg), habang nakakuha ng bye sa opening day sina Rogen Ladon, Mario Fernandez, Charly Suarez at Eumir Felix Marcial.

Makakasagupa ni Boncales Jr., pumalit sa dating puwesto ni Mark Anthony Barriga, si Van Thao Tran ng Vietnam, sa torneo na may nakatayang slot para sa Rio Olympics.

Nakatakda naman sumagupa ngayong gabi ang natatanging babae na naghahangad na makalaro sa quadrennial meet si World silver medalist at SEA Games multi-titled Nesthy Petecio na makakasagupa si Micronesian Jennifer Chieng.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sasagupa naman sa Marso 28 sa men's Light Fly (46-49 kg) ang seeded No.1 na si Rogen Ladon matapos na makakuha ng bye upang hintayin ang mananalo sa pagitan nina KIM Un Song Kim ng People’s Republic of Korea at kay Tosho Kashiwasaki ng Japan.

Nakahugot din ng bye sa men's Bantam (56 kg) draw si Mario Fernandez upang hintayin sa Marso 28 ang kalaban sa pagitan nina Yakub Meredov ng Turkmenistan at Abdullatef Sadiq ng Qatar na maghaharap ngayong gabi.

Hihintayin din ni seeded No. 2 Charly Suarez ang makakalaban sa Men's Light weight (60 kg) kontra kina Hursand Imankuliyev ng Turkmenistan at Chu-En Lai ng Taipei.

Isa pang sasagupa sa Marso 28 sa men's welter (69 kg) ang No. 1 seed na si Eumir Felix Marcial na hihintayin ang mananalo sa salpukan nina Chi-Wen Huang ng Taipei at Istafanos Kori ng Austria. (Angie Oredo)