PUMANAW na ang hip-hop artist na si Phife Dawg, miyembro ng New York-based group na A Tribe Called Quest, sa edad na 45, kinumpirma ng kanyang pamilya nitong Miyerkules.
Ayon sa pahayag ng kanyang pamilya, ang musikerong si Phife, na ang tunay na pangalan ay Malik Taylor, ay pumanaw nitong Martes dahil sa kumplikasyon sa diabetes.
“Malik was our loving husband, father, brother and friend. We love him dearly. How he impacted all our lives will never be forgotten. His love for music and sports was only surpassed by his love of God and family,” pahayag ng pamilya ni Phife.
Maraming taon nang nakikipaglaban ang rapper sa diabetes at sumailalim siya sa kidney transplant noong 2008.
Nagdadalamhati ang hip-hop community sa pagkamatay ni Phife at nag-alay sila ng tribute sa kanyang mga nagawa simula noong 1990s nang ilabas ang mga album ng A Tribe Called Quest, kabilang ang The Low End Theory at Midnight Marauders.
“Phife-HipHop & Rap word Warrior, simple as that,” tweet ni Chuck D. ng Public Enemy. “Breathed it & lined rhyme into Sport. A true fire Social Narrator my bro.”
Nag-alay din ng tribute para kay Phife ang komedyanteng si Chris Rock, at ang music producer na si Russell Simmons. (Reuters)