SINIMULAN ng mga kandidato para sa mga national position ang kanilang 90-araw na kampanya nitong Pebrero 9. At ngayong Marso 26, sisimulan naman ng mga kandidato sa mga lokal na posisyon ang kanilang 45-araw na kampanya para sa eleksiyon sa Mayo 9.
Sa nakalipas na 45 araw, naging abala na sa paglilibot sa iba’t ibang panig ng bansa ang limang kandidato sa pagkapresidente at anim na kandidato sa pagka-bise presidente, inilalahad at ipinaliliwanag ang kani-kanilang plataporma de gobyerno at ang kanilang mga paninindigan sa iba’t ibang usapin. Mayroon pa silang natitirang 45 araw upang libutin ang bansa, sa pag-asang makakaharap ang mas maraming botante, ngunit dahil napakalawak ng kapuluan ng mahigit 7,100 isla na may mahigit 100 milyong tao, hindi nila nakakadaupang-palad ang karamihan sa mga botante; kinakailangan pa nilang umasa sa media publicity at sa tulong ng mga lokal na opisyal.
Samantala, mas maliit naman ang lugar na pinagkakampanyahan ng mga kandidato sa pagkagobernador at bise gobernador, provincial board member, alkalde at bise alkalde, konsehal at kongresista, kaya mas kakaunting botante rin ang kailangan nilang suyuin. Mas mainit at mas personal ang pakikipag-usap, kaya mas makapupukaw ng interes ng mamamayan.
May kasabihang “all politics is local.” Ito ay nagmula sa Amerikanong Speaker of the House na si Tip O’Neill, na nangangahulugang ang tagumpay ng isang pulitiko ay direktang iniuugnay sa kanyang kakayahang maunawaan at matugunan ang mga usapin at pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan. Sinabi ni dating Pangulong Jose P. Laurel na dapat itong ipatupad sa gobyerno—na mismong aktibong pulitika—kailangang katawanin ang mga alalahanin ng mamamayan nang sinabi niyang ang polisiyang pangbanyaga ay dapat na sinasalamin ang pambansang polisiya.
Sa eleksiyon sa Pilipinas, ang pulitika—bilang sining ng pagkalap ng boto—ay nagiging tunay na lokal simula ngayong araw, sa opisyal na pagsisimula ng ating mga lokal na opisyal at kongresista ng panunuyo sa kani-kanilang balwarte.
Hindi na nila kailangang umasa sa mga anunsiyo sa telebisyon, radyo, o pahayagan, na gaya ng mga kandidato sa mga national position, bagamat labis silang namumuhunan sa mga placard at tarpaulin. Mas personal ang kanilang kampanya, mas direkta ang pakikipag-ugnayan sa tao, kaya mas lokal.
Kasabay nito, marapat silang tumalima sa mga probisyon ng Fair Elections Act dahil saklaw sila nito. Limitado lamang sila sa 60 minuto sa telebisyon, 90 minuto sa radyo, ‘sangkapat na bahagi ng pahina ng broadsheet, at kalahating pahina ng tabloid. Dapat nilang istriktong tutukan ang kanilang paggastos, dahil iuulat nila ang mga ito sa Commission on Elections (Comelec) pagkatapos ng kampanya.
Mas mainit at maaksiyon ang mga lokal na kampanya kaysa pambansa. Ito ang sinisisi sa karamihan ng mga naitalang karahasan sa nakalipas na mga halalan. Sa pagsapit ng ikalawang bahagi ng pangangampanya para sa eleksiyon ngayon, umasa tayong magpapamalas ng espesyal na pagsisikap ang ating mga lokal na opisyal at pinuno upang madisiplina ang kanilang mga tauhan, para hindi lamang maging malinis, tapat at kapani-paniwala ang eleksiyon ngayong taon, kundi maging pinakapayapa rin sa kasaysayan.