Matapos ang 12-taong pakikipaglaban at pagtitiis, nakamit na rin ng 100 differently-abled athletes na kabilang sa PHILSpada-NPC ang pagkakaroon ng buwanang allowance mula sa Philippine Sports Commission (PSC).
Ito ang napag-alaman mismo kay PSC Executive Director Atty. Guillermo Iroy Jr. matapos magdesisyon ang lima kataong PSC Board kahit wala sa mandato at batas na nagbuo sa ahensiya na isama ang differently-abled athletes sa mga pambansang atleta na sinusuportahan ng ahensiya.
Ang mga differently-abled athlete, sariwa pa sa pagkakatanggap ng kanilang pinakaunang insentibo base sa bagong pasang batas na iniakda ni Senador Edgardo Angara Jr. at Congressman Win Gatchalian, ay tatanggap naman ng P15,000 sa nag-uwi ng gintong medalya, P10,000 sa pilak at P6,000 sa tanso.
“We are very thankful to our lawmakers and sports officials for the laws they created as well as to the PSC Board for providing our differently-abled athletes with training allowances now,” sabi ni PHILSpada president Mike Barredo. “It took us 12-years before finally getting our share in bringing pride and honor to the country.”
Matatandaan na nag-uwi ang Pilipinas ng kabuuang 16 na ginto, 17 pilak at 25 tanso sa paglahok sa 8th ASEAN ParaGames sa Singapore.
Kabuuang P6,783,750 milyong insentibo para sa mga atleta ng PHILSpada o Philippine Sports Association for the Differently Abled—National Paralympic Committee of the Philippines (PhilSPADA-NPC Philippines) na nag-uwi ng kabuuang 58 medalya.
Ang PhilSpada ang pinakaunang makakatikim sa itinakdang insentibo para sa mga pambansang atleta matapos ang pagpapatupad ng kapapasa pa lamang na bagong batas na Republic Act 10699 o ang Athlete’s Incentive Law na itinaguyod nina Senador Sonny Angara at Alay Buhay Party List representative Wes Gatchalian.
Ito rin ang pinakaunang pagkakataon na makakatanggap ng insentibo ang differently-abled athletes base sa Republic Act 10699 na pinirmahan ni Pangulong Benigno Aquino III at tumabon sa dating RA 9064 o National Athletes, Coaches and Trainers Benefits and Incentives Act of 2001 noong Nobyembre 13, 2015. (Angie Oredo)