KASABAY ng Muling Pagkabuhay bukas ni Hesukristo, lalong pinaigting ng liderato ng Kamara at ng mga mambabatas ang panawagan sa Department of Justice (DoJ) na madaliin nito ang pagpapalabas ng resulta sa karumal-dumal na Mamasapano massacre. Ipagbubunyi ng mga Kristiyano ang resureksiyon ng ating Panginoon pagkatapos na Siya ay mamatay upang tubusin ang kasalanan ng sanlibutan.
Totoo na ang naturang banal na okasyon ay isang magandang pagkakataon upang minsan pang untagin ng mga mambabatas ang DoJ sa mabagal na pagkilos nito sa kapakanan ng SAF 44 commandos. Hanggang ngayon, wala pa ring nangyayari.
Kailangan nang matapos ng naturang ahensiya ang imbestigasyon sa masaker na ipinangako nito noon pang Pebrero. Ito ang nagiging balakid sa pagsasampa ng mga asunto sa hukuman. At ito rin ang ikinadidismaya, hindi lamang ng mga mambabatas at ng mga mamamayan, kundi lalo na ng mga biktima, ang mabagal na pag-usad ng katarungan.
Hindi na mabubuhay ang mga bayaning SAF 44. Ang katotohanang ito ay tanggap na ng kanilang mga naulilang mahal sa buhay. Subalit ang kanilang mga pagdadalamhati ay maiibsan lamang sa pamamagitan ng pagtatakda ng DoJ ng deadline kung kailan nila matatapos ang imbestigasyon. Sa gayon, matitiyak nila kung sino ang dapat nilang papanagutin sa paghihirap ng kanilang kalooban.
Mahirap paniwalaan na hindi alam ng DoJ at ng mga ahensiya nito ang mga pumaslang sa SAF commandos; batid nila ang kinaroroonan ng mga salarin na kinabibilangan ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ng ilang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). Hindi ko matiyak kung isa man sa mga ito ay nadakip na. Kinakandili kaya sila ng mga nagpupumilit upang pagtibayin ang Bangsamoro Basic Law (BBL)? May proteksiyon kaya sila ng administrasyong Aquino?
Ang ganitong mga pananaw, at ang mistulang pag-aatubili ng DoJ sa pagsasampa ng mga asunto laban sa mga salarin ng Mamasapano killings ay patunay na lalong walang mararating ang pagsusulong ng BBL. Katunayan, ang naturang panukala ay matagal nang “inilibing” ng mga mambabatas sa matuwid na ito ay lumalabag sa Konstitusyon.
Sa anu’t anuman, dapat patunayan ng mga kinauukulang awtoridad ang pagkabuhay ng hustisya na inaasam ng SAF 44.
(Celo Lagmay)