BUTUAN CITY – Isang umano’y kidnap-for-ransom (KFR) leader sa Mindanao at tatlo niyang miyembro ang naaresto sa mga operasyong ikinasa ng pulisya sa Caraga Region at Zamboanga Peninsula.

Sa kanyang paunang report kay Chief Supt. Rolando B. Felix, director ng Northeastern Mindanao Police Regional Office (PRO)-13, kinilala ni Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU)-13 Chief Insp. Ignacio M. Gamba III ang naarestong leader ng grupong “Darimbang Kidnap For Ransom” na si Sandy Darimbang, alyas “Sandy Malik” o “Omar Sarip”.

Ang suspek, kasama ang kanyang asawa, ay nadakip nitong Martes ng magkakasanib-puwersang CIDU 13, CIDU-Region 9, 13th Regional Public Safety Battalion at Cabadbaran City Police sa Purok 1, Barangay Cabinet, Cabadbaran City, Agusan del Norte, sa One Time Big Time Operation, ayon sa hepe ng CIDU-13.

Nakumpiska rin sa operasyon ang mga hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P118,000 at P2,500 cash.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Napaulat na sangkot ang grupo ng suspek sa ilang insidente ng pagdukot, carnapping, at serye ng armadong pagnanakaw sa Mindanao, partikular sa timog-kanluran, ayon kay Gamba.

“Darimbang is an active KFR group based in Zamboanga del Sur,” sabi ni Gamba.

Sa follow-up operations kinabukasan, nadakip si Caber Darimbang at isang babaeng kasabwat sa pagkakasangkot sa serious illegal detention, carnapping, at sa dalawang bilang ng pagnanakaw, ayon kay Gamba. (MIKE U. CRISMUNDO)