Ang iba’t ibang pamahiin ay bahagi ng buhay ng mga Pinoy sa mahabang panahon. Maging sa pagpasok ng makabagong teknolohiya, sari-saring pamahiin ang hindi pa rin mabalewala ng mga Pinoy, lalo na sa panahon ng Semana Santa.
Mula sa simpleng “Caridad” o ang pagbibigay ng pagkain sa kapitbahay, hanggang sa taimtim na pagbasa ng Pasyon, pagpepenitensiya at pagpapapako sa krus, nangingibabaw pa rin ang mga pamahiin sa isipan ng mamamayan upang makaiwas umano sa kamalasan.
Kabilang sa mga pamahiin tuwing Mahal na Araw ay ang bawal na maligo pagsapit ng 3:00 ng hapon kapag Biyernes Santo dahil ito ang oras ng pagkamatay ni Kristo, at ang mga susuway ay aabutin ng malas.
Isa pang pamahiin ay ang bawal masugatan tuwing Semana Santa dahil hindi agad ito maghihilom, lalo na kung Biyernes Santo.
Sa panayam ng GMA News, sinabi ni Bro. Michael Angelo Lobrin na posibleng ang interpretasyon ng tao ay dahil patay si Kristo, walang magpapagaling sa kanilang sugat.
Mayroon ding pamahiin na bawal mag-ingay tuwing Mahal na Araw. Ayon sa website na Definitely Filipino, aktibo ang mga espiritu sa panahong ito at hindi maaaring mabulabog.
Iginiit naman ni Cesar Barrios, vice president ng Apostleship of Prayer sa Binondo, na ang mga pamahiin ay hindi nakasaad sa Bibliya at hindi dapat patulan.
Aniya, posibleng ipinalutang ng mga magulang ang ganitong mga paniniwala para magtino ang kabataan at gunitain nang tahimik ang Semana Santa sa pamamagitan ng pagdadasal at pagninilay-nilay. (ANNA LIZA VILLAS-ALAVAREN)