Inihirit ni Nationalist People’s Coalition (NPC) senatorial candidate Win Gatchalian ang pag-aalis sa foreign ownership cap upang mahikayat ang iba pang telephone company na mamuhuhan sa bansa laban sa kapalpakan ng mga local internet service provider (ISP) na makatugon sa 100 porsiyentong internet speed na kanilang ipinangako sa subscribers.
“We need to boost competition by opening our gates to foreign companies so the current duopoly will be broken. When there are more telcos, the existing local players will be forced to improve their services in order to compete. At the end of the day, internet and other services will improve and the consumers win,” pahayag ni Gatchalian, miyembro ng House Committee on Trade and Industry.
Ito ang mungkahi ni Gatchalian base sa inisyal na resulta ng random Internet speed testing na isinagawa ng National Telecommunications (NTC) nitong nakaraang linggo, na lumitaw na wala sa mga ISP ang nakatugon sa Internet download speed na nakasaad sa kani-kanilang advertisement.
Lumitaw sa pagsusuri na lumikha lang ang Globe Telecom, Inc. ng 82.44 porsiyento ng Internet download speed habang ang Philippine Long Distance Telephone Co. (PLDT) ay nakapag-deliver ng 74.73%, 63.6% ang Sky Broadband, at 59.17% ang Bayan Telecommunications.
Hinikayat ng mambabatas mula sa Valenzuela City ang susunod na Kongreso na repasuhin at amyendahan ang Public Services Act of 1936 na nagpapataw ng mababang multa sa mga pasaway na service company.
Sa ilalim ng naturang batas, binibigyan lang ng verbal warning sa unang paglabag subalit sa susunod na insidente ay pinapatawan naman ng kakarampot na P200 multa kada araw hanggang sa makasunod sa mga panuntunan na itinakda ng gobyerno.