JANE THE VIRGIN

MAPAPANOOD na ang Tagalized version ng hit American series na Jane The Virgin simula Lunes (Marso 28) sa Primetime Bida ng ABS-CBN.

Mapapanood sa Jane The Virgin ang makulay na kuwento ni Jane Villanueva, isang masipag at relihiyosang dalaga na sumumpa sa kanyang ina at lola na pananatilihin ang kanyang pagiging birhen hanggang sa siya ay ikasal. Pinanindigan niya ang pangakong ito maging sa kanyang longtime boyfriend na si Michael.

Magbabago ang ikot ng mundo ni Jane nang aksidente siyang nai-inseminate ng doktor sa isa sa kanyang regular check-ups, kaya nagbuntis siya kahit hindi niya ibinigay ang sarili sa sino mang lalaki.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Mas magiging kumplikado ang lahat dahil ang donor ng specimen na inilagay sa kanya ay ang former playboy, cancer survivor, at may asawang si Rafael, na ultimate crush ni Jane.

Paano haharapin ni Jane ang kanyang napasukang sitwasyon? Ituloy pa kaya ni Michael ang pag-aalok ng kasal sa kanya sa kabila ng pagdadalantao niya sa ibang lalaki? Ilalayo ba sa kanya ni Rafael at asawa nitong si Petra ang magiging anak niya? Paano kapag napamahal si Rafael sa kanya?

Ang Jane The Virgin ay isang multi-awarded US series na hinalaw sa Venezuelan telenovela na Juana La Virgen. Simula nang ipinalabas ito sa CW channel sa US, pinagkalooban na ito ng pagkilala ng Peabody Award, American Film Institute Award, at People’s Choice Award bilang favorite comedy program, at napabilang din sa mga nominado sa Critics’ Choice Awards, Television Critics Association Awards, at prestihiyosong Golden Globe Awards na kumilala sa bidang si Gina Rodriguez sa kategoryang Best Actress – Television Series, Musical or Comedy.

Huwag palalampasin ang Jane The Virgin simula Lunes pagkatapos ng The Story of Us sa Primetime Bida ng ABS-CBN.