MULING pinatunayan ng DZMM Radyo Patrol 630 ang pangunguna sa paghahatid ng balita at public service nang magnumero uno sa radio survey at manguna rin sa paghahatid ng impormasyon tungkol sa nalalapit na halalan.
Nananatiling No. 1 ang premyadong AM radio station batay sa resulta ng survey ng Kantar Media at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) sa labing-isang istasyon ng radyo sa Metro Manila, mula noong ika-11 hanggang ika-17 ng Disyembre 2015.
Nakakuha ang DZMM ng 38% share sa survey, malayo sa pinakamahigpit nitong karibal na DZBB na mayroon namang 23.3% share sa survey na ginawa sa 1000 indibidwal na may edad sampu pataas sa loob ng Metro Manila. Sinundan sila ng DZRH (15.4%), DWWW (8.8%), at DWXI (7.0%).
Batay rin sa survey, numero uno ang DZMM sa Metro Manila at Mega Manila sa buong 2015 sa nakuha nitong pinakamataas na full year average audience share na 32% kumpara sa 17% ng DWWW, 15% ng DZBB, 13% ng DZRH at 5% ng DWXI.
Ngayong 2016, hindi pa rin nagpapahuli ang himpilan sa paghahatid ng mahahalagang impormasyon sa mga Pilipino na pipili ng mga bagong pinuno sa halalan sa Mayo.
DZMM ang unang nakakumpleto sa pagkilatis sa mga kandidato sa pagkapangulo sa pamamagitan ng Ikaw Na Ba ang Para sa Pamilyang Pilipino interview series, gayundin sa mga tumatakbo sa pagkabise-presidente at senador. Dito unang nakapanayam ang mga kandidato para tuwirang sagutin ang mga akusasyong ibinabato sa kanila at naglahad ng kanilang mga plataporma at opinyon sa iba’t ibang isyu sa lipunan.
Sa masusing pagtatanong nina Karen Davila, Vic de Leon-Lima, Gerry Baja, at Anthony Taberna, sina Vice President Jejomar Binay, Davao City Mayor Rodrigo Duterte, Sen. Miriam Defensor-Santiago, Sen. Grace Poe, at dating Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ay malayang nakapaglahad ng kanilang saloobin.
Pinabulaanan ni Binay na siya ay nagnakaw sa bayan, “Sa Diyos, sa tao, ‘di ako nakasama diyan, ‘di ako tumanggap ng pera sa mga ibinibintang nila.” Iginiit naman ni Poe ang kanyang pagiging Pilipino. “Ako ay Pilipino. Ako’y ipinanganak dito sa ating bansa. Wala po akong duda sa aking puso at sa isip, ako po ay Pilipino.” Si Santiago naman, handa na aniya sa laban, “Stable na ang cancer (ko), puwede na akong magtrabaho.”
Nanindigan sina Roxas at Duterte sa kanilang mga pananaw sa mga kontrobersyal na isyu. Ani Roxas sa Bangsamoro Basic Law, “Ang BBL ay pamamaraan para magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao, ‘yan ang hangarin natin, ‘yan ang ipapatupad ko sakaling palarin tayo.” Nais naman ni Duterte na ibalik ang death penalty upang mabura ang problema sa droga sa bansa.
Narinig din sa Ikaw Na Ba series ang boses ng mga ordinaryong Pilipino mula sa piliping barangay sa Metro Manila hanggang sa Baguio, Bicol, Cebu, Davao, Bacolod at Iloilo, sa tulong ng mga Radyo Patrol at Regional reporters.
Sumabak din sa hamon na sagutin ang mga katanungan tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas, batas at iba pa ang mga kandidato sa pagka-bise presidente sina Sens. Alan Peter Cayetano, Chiz Escudero, Gringo Honasan, Bongbong Marcos, at Sonny Trillanes, at Cong. Leni Robredo.
Ayon kay ABS-CBN Integrated News and Current Affairs Head Ging Reyes, layunin ng DZMM Ikaw Na Ba series na lubos na maipakilala sa mga Pilipino ang mga nais nilang maging pinuno.
“Hindi kami nanatili lamang sa mga karaniwang balita para maipaliwanag ng mga kandidato ng mas maigi ang kanilang mga plano at posiyon sa mga isyung mahalaga sa pamilyang Pilipino. Sana mabigyan ng Ikaw Na Ba Para sa Pamilyang Pilipino series ang publiko ng oportunidad na pag-isipan at suriin muli ang kanilang mga pinili. Sa serye na ito, sinubukan naming masagot ang lahat ng mga tanong na ibabato sa mga kandidato. Nasa mga botante na ang paghuhusga kung sino ang nagpakita ng sinseridad, pagkahanda, kakayahan, at kagustuhang magsilbi sa mga kandidato,” paliwanag niya.
Pero hindi pa rito natatapos ang tungkulin ng DZMM, na naglunsad din ng forum upang magabayan ang mga botante na gamitin nang wasto ang kanilang boto sa Halalan 2016. Sa ginanap na DZMM Pasado? Para sa Pamilyang Pilipino Forum sa Rizal Park Open Auditorium noong ika-16 ng Marso, hinimay ng mga eksperto kung paano bumuboto ang Pinoy, kung ano ang tunay na kahulugan ng mga salita at aksiyon ng mga kandidato, at kung anong mga katangian ang dapat hanapin sa mga kandidato. Sa susunod na forum ng DZMM, tututukan naman ang kahandaan ng Commission on Elections sa magaganap na halalan.
Ang DZMM ang AM radio station ng ABS-CBN sa Mega Manila, ang pinakamalaking media at entertainment company sa bansa.
Mapapanood ang mga video ng Ikaw Na Ba Ang Para Sa Pamilyang Pilipino interview series at DZMM Pasado? Para Sa Pamilyang Pilipino Forum sa www.dzmm.com.ph. Abangan din ang muling pagpapalabas nito sa DZMM Radyo Patrol 630 at DZMM Teleradyo sa SkyCable at ABS-CBN TV Plus.