Inihayag ng Quezon City Police District (QCPD) ang pagkakaaresto sa isang negosyanteng babae, na may dalawang arrest warrant dahil sa kasong kidnapping at robbery, sa isang exclusive village sa Marikina City nitong Miyerkules.
Kinilala ni Chief Insp. Rogelo de Lumen Jr. ang naaresto na si Zenaida Maranan, alyas “Ablan”, 41, residente ng Valenzuela Street, Loyola Grand Villas, Marikina City.
Sinabi ni De Lumen na naaresto si Maranan ng QCPD tracker team sa kanyang bahay dakong 5:30 ng hapon nitong Miyerkules.
Ayon sa pulisya, nahaharap si Maranan sa mga kasong kidnapping, na walang inirekomendang piyansa ang korte, at robbery.
Ang dalawang warrant of arrest ay inilabas ni Judge Amelita Cruz Corpuz, ng Dinalupihan (Bataan) Regional Trial Court Branch 5.
Bagamat hindi naibigay ang detalye ng kasong kinasasangkutan ni Maranan, sinabi ng pulisya na ang pagkakaaresto sa suspek ay base sa pinaigting na “Oplan Lambat Sibat”. (Francis T. Wakefield)