PAOMBONG, Bulacan – Libu-libong lokal at dayuhang turista, at mga deboto, ang dumagsa sa kapilya ng Sto. Cristo rito simula pa noong Miyerkules upang manalangin at pumila sa binasbasang langis na ginamit sa paglilinis sa imahen ng Kristo sa krus, ang patron ng Barangay Kapitangan sa bayang ito.

Dagsa rin ang bumisita sa Grotto Shrine sa San Jose del Monte City, sa Divine Mercy Shrine sa Marilao, at sa Banal na Bundok sa San Miguel.

At kahapon, Biyernes Santo, tatlong albularyo ang ipinako sa krus na kahoy sa isang man-made Golgotha sa Bgy. Kapitangan, bandang tanghali.

Sa ikaanim na pagkakataon, libu-libo ang nag-abang sa pagsasadula ng albularyong si Michael Katigbak sa pagpapapako sa krus ni Hesukristo matapos siyang paghahampasin ng mga gumanap na Roman Centurions at kaladkarin para pasanin ang isang malaking krus na kahoy.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kasunod ni Katigbak, kinaladkad din patungo sa crucifixion site ang isa pang albularyong si Precy Valencia, na tatlong minutong ipinako sa krus.

Bago tumupad sa kanyang panata tuwing Semana Santa, sinabi ni Valencia na tumanggap siya ng mga mensahe mula sa langit at sinabing ipagpatuloy niya ang kanyang panata upang matiyak ang pagpapagaling sa mga nagpapagamot sa kanya.

Ikatlong beses namang naipako sa krus ang albularyong si JonJon Tanael. (Freddie C. Velez)