WASHINGTON/BRUSSELS (AFP/Reuters) – Ang magkapatid na nagsagawa ng mga suicide bombing sa paliparan at istasyon ng tren sa kabisera ng Belgium nitong linggo ay kilala sa mga awtoridad ng US at nakalista sa mga American terrorism database, iniulat ng television network na NBC.

Binanggit ng ulat ang dalawang hindi pinangalanang opisyal ng US na nagsabing sina Ibrahim at Khalid El Bakraoui ay nakalista bilang “potential terror threat” sa mga database ng US ngunit tumanggi silang tukuyin “which of the many US terrorism databases the brothers were listed.”

Hindi sumagot ang National Counterterrorism Center, na nagko-coordinate sa US intelligence kaugnay sa mga banta ng extremist, sa mga katanungan ng AFP.

Bago ang madugong pag-atake, ang magkapatid na Belgian ay may mahabang listahan ng pagkakasangkot sa mga krimen kabilang na ang carjacking, robbery at pakikipagbarilan sa mga pulis.

VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order

Lumulutang ngayon ang mga detalye na nagpapakita na ang tatlong umatake sa Brussels ay kilala ng Belgian authorities ngunit nagawang makalusot sa kanila.

Si Ibrahim El Bakraoui, na pinasabog ang sarili sa Brussels airport, ay ipina-deport ng Turkey sa Netherlands noong Hulyo 2015 bilang “foreign terrorist fighter,” sinabi ni Turkish President Recep Tayyip Erdogan.

Si Khalid El Bakraoui, na pinasabog ang sarili sa metro station, ay wanted sa international arrest warrant dahil sa terorismo nitong Disyembre at umupa ng apartment na ginamit ng mga umatake sa Paris noong Nobyembre.

Si Najim Laachraoui, na umatake sa airport, ay nasa wanted notice na inilabas nitong Lunes, isang araw bago ang pambobomba.

Tatlo sa mga suicide bomber ay iniugnay sa pangunahing suspek sa Paris attacks na si Salah Abdeslam, na naaresto nitong nakaraang linggo matapos ang apat na buwang pagtatago malapit lamang sa bahay ng kanyang pamilya sa Brussels.

MORE ARREST

Anim katao na ang inaresto ng Belgian police sa kanilang imbestigasyom simula nitong Martes kaugnay sa suicide bombing ng Islamic State sa Brussels, habang sinabi ng mga awtoridad sa France na nasupil nila ang isang plano ng mga militante na nasa “advanced stage.”

Inihayag ng federal prosecutor’s office sa Belgium nitong Huwebes na nangyari ang mga pang-aresto sa paghahalughog ng mga pulis sa mga pamayanan sa Brussels partikular sa Schaerbeek sa hilaga at Jette sa kanluran, gayundin sa sentro ng Belgian capital.