KATAHIMIKAN, pagsusumamo, anino at larawan ng kalungkot ang ilan sa makikita sa mga simbahan sa buong bansa ngayong Sabado de Gloria na kung tawagin din ay Black Saturday. Ito ang huling araw ng Kuwaresma. Ang Black Saturday ay masasabing pinakapayak sa lahat ng araw ng Semana Santa sapagkat mapapansing walang krus, kandila, bulaklak o anumang dekorasyon sa altar ng mga simbahan. Ang kahulugan nito’y kailangang gunitain ng bawat Kristiyano na ang ating Panginoong Hesukristo ay namatay at inilibing at marapat lamang na pagsisihan natin ang ating mga kasalanan na naging dahilan ng paghihirap, pagpapakasakit at pagkamatay Niya sa krus.

Ang Black Saturday ay naglulundo sa paghihintay sa muling pagkabuhay ni Kristo na patuloy na nakahimlay sa libingan.

Dahil dito, ang mga Kristiyano ay kailangang magpatuloy sa pagsasagawa ng kanilang Via Crucis o Way of the Cross.

Ngayong Black Saturday, ang ritwal sa mga simbahan ay karaniwang nagsisimula sa gabi, ito’y tinatawag na “Easter Vigil” na ayon sa tradisyon, ito ay malaking pag-asa sa muling pagkabuhay ni Kristo. Batay sa liturhiya ng “Easter Vigil”, ang ritwal ay binubuo ng apat na bahagi. Ang unang bahagi ay ang “Service of the Light” o Paglilingkod ng Liwanag. Ito ang pagbibendisyon ng apoy at tubig na isinasabay sa pagsisindi ng paschal o Easter candle. Ginagawa ito upang bigyang-diin na si Kristo ang “Liwanag ng Mundo”.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang ikalawang bahagi naman ng rituwal ay meditation o pagninilay sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Diyos sa sangkatauhan. Sinasalitan ito ng pagbabasa sa mga aral at hula (prophecy) mula sa Lumang Tipan. Ang pangatlong rituwal ay ang pag-awit o pagbasa sa litanya ng mga santo at ang renewal of baptismal vow. At ang ikaapat ay ang Misa o Easter Vigil Mass. Matapos ang mga nasabing seremonya, ang napipi at hindi narinig na tunog o repeke ng mga kampana mula noong gabi ng Huwebes Santo ay muling rerepeke o ikakalembang kapag inawit sa misa ang Papuri sa Diyos o Gloria in Excelsis Deo.

Sa ibang simbahan at parokya, tulad sa Saint Clement parish sa Angono, Rizal, makikita sa isang panig ng simbahan sa tabi ng altar ang tila bundok na pinaglibingan kay Kristo. Kasabay ng pag-awit sa Gloria in Excelsis Deo, bubukas ang “libingan” ni Kristo. Gugulong ang mga paper mache na malaking bato at kasabay ng pag-ilanglang ng makapal na usok, unti-unting lumlitaw ang malaking imahen ni Kristo na muling nabuhay.

Sa tradisyon naman ng mga Pilipino, ngayong Black Saturday, ang mga kabataang lalaki sa Rizal, Laguna, Quezon, Batangas, Bicol at maging sa mga lalawigan sa Bisaya ay nagpapatuli (circumcision). Ang pagtutuli ay karaniwang ginagagawa sa tabing-ilog o dagat matapos magbabad sa tubig ang mga tutulian. (Clemen Bautista)