Kapwa umaasa sina national rider Marella Salamat at Boots Ryan Cayubit na mabigyan ng cash incentive ng Philippine Sports Commission (PSC) bunsod ng matagumpay na kampanya sa katatapos na 7th World University Cycling Championships na ginanap sa Tagaytay City.

May alinlangan ang dalawa na matutulad sila kay Grandmaster Wesley So na nagwagi ng kauna-unahang gintong medalya sa chess event ng World Universiade noong 2013 sa Russia na hindi kinilala ng government sports agency.

Hindi kabilang ang World University Games sa mga sports event na binibigyan ng cash incentives batay sa Athletes Incentives Act, ngunit may kakayahan ang PSC na maglabas ng ‘special budget’ para rito.

Ngunit, ang organisasyon na nag-organisa ng torneo, ang Federation of School Sports Association of the Philippines (FESSAP) na pinamumunuan ni David Ong, ay hindi iniindorso ng Philippine Olympic Committee (POC).

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Iyan ang problema namin sa sitwasyon na ito. Yung FESSAP hindi sanctioned ng POC, kaya hindi kami basta makapagdesisyon ditto. Under the law kailangan endorsed ng Olympic body ang event para maging official,’ sambit ni PSC executive Director Atty. Guillermo Iroy, Jr.

Nakapanghihinayang, higit at gintong medalya ang nakamit ni Salamat sa women’s category ng road race habang nagwagi ng bronze si Cayubit.

“Sana po makuha namin yung incentives, ipapa-follow up ka na lang sa coach (Cesar Lobramonte) ‘yung incentives, sana merun,” sambit ni Cayubit.

“Sana po mabigay nila [PSC]. Hihintayin na lang namin. Hindi ko rin kasi sigurado kung ano ang sasabihin nila,” aniya.

Umaasa naman si Salamat na matanggap ng pamahalaan ang kanilang naging tagumpay, gayundin ang kalidad ng tournament na kanilang nilahukan.

“Sobrang prestigious din po ‘yung tournament at lahat ng kasali like Germany, Japan, Poland at iba pa mga high-caliber athletes din po,” sambit ni Salamat.

Sinabi naman ni Ong na may inihanda na rin silang cash incentives sa dalawa sakaling hindi sila mapagbigyan ng PSC.

“By our own, we will give a little incentive to them for their education,” ayon kay Ong.