SINGAPORE (AFP) — Isang mag-asawang Singaporean ang isinakdal nitong Miyerkules sa paglabag sa employment laws nang gutumin ng mga ito ang kanilang kasambahay na Pilipina hanggang sa bumaba ang timbang nito sa 29 kilogramo (64 pounds).
Inamin ng negosyanteng si Lim Choon Hong at ng kanyang asawa na si Chong Sui Foon, kapwa 47, na hindi nila binibigyan ng sapat na pagkain ang kanilang banyagang kasambayan sa loob ng 15-buwan.
Nakatakdang patawan ng sentensiya ang dalawa. Ang pagkakasala ay may katumbas na parusang isang taong pagkakakulong at multang Sg$10,000 ($7,300).
Dininig ng district court ang kaso ni Thelma Oyasan Gawidan, 40, na halos nabawasan ng 20 kg ang timbang, nalagas ang buhok at nahinto ang menstruation habang nagtatrabaho sa mag-asawa sa kanilang condominium sa marangyang Orchard Road area.
Pinapayagan lamang si Gawidan na kumain ng dalawang beses sa isang araw, at kadalasan ay ilang hiwa lamang ng tinapay at kakarampot na instant noodles ang ibinibigay ni Chong.
Kahit na sumama si Gawidan sa pamilya sa pagbabakasyon ng mga ito sa Hong Kong, tiniyak ni Chong na may baon itong white bread at instant noodles para sa kasambahay.
Hindi pinapayagan si Gawidan na mahawakan ang kanyang cellphone at bawal din siyang bumili ng sariling pagkain, ayon sa mga dokumento sa korte.
Sa loob ng mahigit isang taon ng kanyang pagtatrabaho, pinapagamit ang Pinay ng palikuran sa tabi ng swimming pool tuwing magdudumi o maliligo, at pinasasamahan sa isang miyembro ng pamilya. Pinapayagan lamang siyang maligo dalawang beses sa isang linggo.
Tumakas si Gawidan noong Abril 2014 at nagpasaklolo sa isang kababayan.
Dinala siya sa migrant worker shelter na tumulong sa kanya na magsampa ng reklamo sa manpower ministry.
Maraming tahanan sa Singapore ang nakaasa sa mga kasambahay. Sa tala noong 2015, mayroong 231,500 banyagang kasambahay ang nagtatrabaho sa mayamang city-state, karamihan sa kanila ay nagmula sa Indonesia at Pilipinas.
Muling haharap sina Lim at Chong sa korte sa Abril 22 matapos makumpleto ang psychiatric assessment sa kanila.