ANG Araw ng Kalayaan ay pangunahing holiday na taunang ipinagdiriwang sa Greece tuwing Marso 25. Ginugunita nito ang pagsisimula ng War for Greek Independence noong 1821. Kasabay ito ng paggunita ng Greek Orthodox Church sa Feast of the Annunciation, nang magpakita si Gabriel Arkanghel sa Pinagpalang Birheng Maria at ihayag na isisilang ng huli ang Anak ng Diyos.
Ayon sa kasaysayan, Marso 25, 1821 nang itaas ng isang obispong Orthodox, na kilala bilang Germanos ng Patras, ang watawat ng Greece sa Monastery of Agia Laura sa Peloponnese. Dahil ang relihiyon ay may kaugnayan sa pambansang pagkakakilanlan ng maraming Griyego, akma lamang na isang Obispo ang magtaas ng watawat ng Greece, na nagbunsod ng panibagong digmaan sa pagitan ng Greece at ng Ottoman Empire. Tinawag ito ng mga historian na Greek War for Independence, nang ipagsigawan ng mga Griyego ang “Freedo or Death” sa mga pampublikong lugar. Sa Griyego, maisasalin ito sa “Eleftheria I Thanatos.”
Bilang selebrasyon ng Pambansang Araw ng Greece, nagdaraos ng school flag parade ang mga bayan at siyudad sa Greece, at nagmamartsa ang mga bata suot ang mga tradisyunal na kasuotang Griyego habang bitbit ang watawat ng bansa.
Pumaparada rin ang sandatahang lakas ng Greece sa Athens. Ipinagdiriwang din ang araw na ito sa iba pang bahagi ng mundo sa pamamagitan ng mga parade, na naging pangkaraniwan na sa mga siyudad sa United States na naging tahanan na ng maraming Griyego.
Ang Greece, na kilala bilang sinilangan ng sibilisasyong Kanluranin, ay isang bansa sa timog-silangang Europa na binubuo ng dalawang pangunahing peninsula at libu-libong isla sa karagatan ng Agean at Ionian. Napanatili ng Athens, ang kabisera ng bansa, ang mga sinaunang istruktura, na kinabibilangan ng ikalimang siglong Acropolis citadel at templong Parthenon. Paborito ring dayuhin ng mga turista ang bansa, dahil sa mga makasaysayan nitong lugar na tinatampukan ng apat na milenyo, mga naggagandahang beach, at nagtataasang bundok.
May matagal at matatag na ugnayang diplomatiko at kalakalan ang Greece at ang Pilipinas simula pa noong 1947.
Kabilang sa mga larangan ng pagtutulungang bilateral ng dalawang bansa ang: turismo, pagbibiyahe ng mga kalakal, konstruksiyon, at enerhiya. Libu-libong Pilipino ang nakatira o nagtatrabaho sa Greece, partikular sa Athens at sa mga Greek luxury ship at yate na nakadaong sa port city ng Piraeus. Noong Enero 2015, kasabay ng anibersaryo ng pagkakatatag ng diplomatikong ugnayan ng Greece at Pilipinas, lumagda ang dalawang bansa sa isang memorandum of understanding tungkol sa paglikha ng mekanismo para sa konsultasyong pulitikal.
Binabati natin ang mamamayan at ang gobyerno ng Greece, sa pangunguna nina President Prokopis Pavlopoulos at Prime Minister Alexis Tsipras, sa kanilang pagdiriwang ng Pambansang Araw.