Doble batok ang inabot ng isang 22-anyos na Korean dahil matapos na dukutin ang kanyang wallet ay nalimas pa ang kanyang debit card sa pagbili ng suspek ng sari-saring bagay sa isang grocery store, kamakailan.

Hindi na nakatiis si Yae Seul Yang, customer representative ng IBM at residente ng Alta Vista Village, Barangay Loyola Heights, Quezon City, at humingi na ng tulong sa Quezon City Police District (QCPD) matapos madiskubreng wala nang laman ang kanyang mga debit card.

Ayon sa biktima, unang dinukot ang kanyang wallet, na naglalaman ng P5,000 at mga credit at ATM card sa supermarket, sa Eastwood sa Bgy. Bagumbayan nitong Marso 8.

Ayon sa dalaga, inilagay niya ang wallet sa kanyang shoulder bag habang namimili ng prutas subalit ilang segundo lang ay nawala na ito kaya ipinagbigay-alam niya agad ang insidente sa customer service ng naturang establisimyento.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nang silipin ni Yang noong Marso 21 ang kanyang account sa Citibank Korea, sa pamamagitan ng online banking system, ay nadiskubre niyang ginamit ang kanyang debit card sa 22 transaksiyon sa SM Mall, Landmark, Robinson’s Mall, Royal Sporting House at Starbucks.

Nang magtungo si Yang sa Criminal Investigation and Detection Unit sa Camp Karingal upang humingi ng tulong sa pulisya ay bigo naman siyang ihayag kung magkano ang kabuuang halaga ng nalimas ng salarin sa kanyang debit card. (Francis T. Wakefield)