SA mga panahong gaya nito, pinaiigting ng gobyerno ang seguridad laban sa posibleng pag-atake ng New People’s Army (NPA). Biyernes Santo noon, Marso 29, 2013, nang sinalakay ng NPA ang puwersa ng gobyerno na nagbabantay sa seguridad sa mga aktibidad sa simbahan sa isang barangay sa Butuan City, na may kaugnayan sa pagdiriwang ng ika-44 na anibersaryo ng NPA nang taong iyon.

Ngayong taon, may apat na araw pa bago sumapit ang Marso 29 ngunit naka-full alert na ang militar at pulisya ngayong Semana Santa, partikular na sa Northern at Northeastern Mindanao. Naiposisyon na ang mga combat unit at espesyal na puwersa ng 401st, 402nd, at 403rd Infantry Brigade ng 4th Infantry Division ng Philippine Army sa dalawang rehiyon, katuwang ang 6,500 tauhan ng Philippine National Police (PNP).

Nakaalerto rin ang militar at pulisya sa Southern Luzon, partikular na sa Quezon. “We are always on alert status during the anniversary. The NPA always stages tactical offensives before and after their anniversary,” sinabi ng isang opisyal ng Quezon Police Provincial Office.

Ang NPA, na aktibo sa rebelyon sa nakalipas na 47 taon, ay itinatag sa Central Luzon, at kumalat patimog, kaya naman pinaniniwalaang pinakaaktibo ngayon ang sangay nito sa Mindanao. Ilang buwan na ang nakalipas nang magsagawa ng mga usapang pangkapayapaan ang gobyerno sa Communist Party of the Philippines (CPP) at sa sangay nitong pampulitika, ang National Democratic Front (NDF), at sa armadong unit nito, ang NPA, ngunit nabigo ang pag-uusapan dahil sa hindi umano pagkakasundo sa mga safe-conduct pass.

Nang ihain ng Pilipinas ang kaso nito laban sa China sa International Tribunal on the Law of the Sea sa Netherlands, nagkaroon ng pagkakataon si Speaker Feliciano Belmonte Jr. para makaharap ang nagtatag ng CCP na si Jose Maria Sison, na umapela ng pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan. Itinuring ito ng Malacañang bilang isang positibong development, ngunit walang nangyari pagkatapos.

Ngayong Semana Santa, ang pinakabanal na panahon para sa Kristiyanismo, kaisa tayo ng mga naghahangad ng kapayapaan sa pag-asam na magpatuloy ang matagal nang naipagpalibang usapang pangkapayapaan sa lalong madaling panahon. Kung nagawa ng gobyerno na magkaroon ng kasunduan sa Moro Islamic Liberation Front, dapat na magkaroon din ito ng kaparehong kasunduan sa isa pang grupong nagsusulong ng insurhensiya, ang NPA