SAN JOSE, Antique – Nagawa pa rin ng Antique na makapag-ani ng 9,874 metriko tonelada ng palay sa kabila ng El Niño phenomenon na tumama sa bansa nitong mga nakalipas na buwan kabilang sa rice producing province.
Iniulat ng Antique Provincial Agriculture Office sa pamumuno ni Nicolasito “Nick” Calawag ang mga anihan sa mga bayan ng Barbaza, Bugasong, Culasi, Hamtic, Libertad, San Remigio, Sebaste, Sibalom, at Tibiao sa 3,099 ektarya ng mga lugar na may irigasyon at ilang umaasa sa ulan.
Ang mga magsasaka sa mga bayang ito ay nagtanim ng palay noong Nobyembre 2015 at nakapag-ani nitong Pebrero 2016.
Ang average na inani ay 3.19 metriko tonelada ng palay sa bawat ektarya.
Gayunman, dahil sa mahabang tagtuyot na dulot ng El Niño, walang inaning palay ang ibang munisipalidad. Walang naganap na anihan sa mga bayan ng San Jose de Buenavista at Tobias Fornier.
Tiniyak ni Antique Provincial Agriculture Office sa mga Antiqueño na sa kabila ng kawalan ng ani sa kanilang mga bayan, mayroon pa ring sapat na bigas para sa mga konsumidor na Antiqueño.
Noong nakaraang taon, ang rice sufficiency level ng probinsiya ay nasa 107 porsiyento. (PNA)