brothers [reuters] copy

BRUSSELS (Reuters/AP) – Dalawang suicide bomber na pinasabog ang kanilang mga sarili sa Brussels nitong Martes ay nakilala bilang ang magkapatid na sina Khalid at Brahim El Bakraoui, mga residente ng Brussels na nakilala ng mga pulis dahil sa pagkakasangkot sa mga krimen, iniulat ng RTBF public broadcaster.

Umapela ang Belgian police nitong Miyerkules ng impormasyon sa dalawang suicide bomber. Nagpaskil ng ilang tweet na may caption na: ‘’Terrorism: who knows this man?’’ kasama ang imahe mula sa CCTV ng tatlong lalaki na nagtutulak ng trolley sa airport departure hall.

Ayon sa isang police source, ang lalaki sa gitna ay maaaring si Brahim El Bakraoui.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Ayon sa iba pang ulat nitong Miyerkules, isa sa magkapatid, hindi tinukoy kung sino, ay maaaring sangkot sa pag-atake nitong Martes sa Brussels metro station ng Maalbeek.

Ang ikatlong lalaki, nakasuot ng light coloured jacket at itim na sombrero, ay pinaniniwalaang tumakas sa lugar at ngayon ay target ng malawakang paghahanap.

Inako na ng grupong Islamic State ang mga pagpasabog na ikinamatay ng 14 katao sa Brussels airport at 20 sa isang subway station.

PARIS CONNECTION

Ayon RTBF, inupahan ni Khalid, gamit ang pekeng pangalan, ang apartment sa Forest borough ng Belgian capital kung saan napatay ng mga pulis ang isang armadong lalaki sa raid nitong nakaraang linggo.

Natagpuan ng mga imbestigador sa raid ang isang watawat ng Islamic State, isang assault rifle, mga detonator at fingerprint ng Paris attacks prime suspect na si Salah Abdeslam, na naaresto makalipas ang tatlong araw.

Ang magkapatid ay parehong may criminal records, ngunit hindi naiugnay ng mga pulis sa terorismo hanggang kahapon, sinabi ng RTBF.

AIRPORT SECURITY

Dahil sa kambal na pagpasabog sa Brussels airport, nirepaso o hinigpitan ng mga bansa ang seguridad sa paliparan at itinaas ang katanungan kung paano dapat salain ang mga pasahero sa kanilang pagpasok sa mga terminal.

Kumilos ang mga awtoridad sa pagdagdag ng mga nagpapatrulyang pulis sa mga paliparan sa London, Paris at Frankfurt at iba pang transport hubs habang itinigil ng Brussels ang mga serbisyo ng tren. Nangarag ang mga airline sa paglilipat ng mga biyahe nang iaanunsyo ng Brussels na magsasara ito hanggang Miyerkules.

Nasa high alert ang mga lungsod sa United States, habang ipinatawag ang National Guard para paigtingin ang seguridad sa dalawang paliparan sa New York City.

PAGKAKAISA VS TERORISMO

Nagkaisa ang mga lider ng mundo sa pagkondena sa karahasan sa Brussels at sumumpang lalabanan ang terrorismo.

Ang global landmarks mula sa Eiffel Tower sa Paris hanggang sa Brandenburg Gate sa Berlin ay inilawan ng itim, dilaw at pula ng Belgian national flag bilang simbolo ng pagkakaisa.

Sumumpa ang European Union na depensahan ang demokrasya at lalabanan ang terorismo “with all necessary means”.