ISULAN, Sultan Kudarat – Nagtutulungan ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa Sultan Kudarat upang matiyak na magiging maayos ang paggunita ng Semana Santa sa lalawigan sa mga susunod na araw.

Magkatuwang ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa masusing pag-iinspeksiyon sa mga terminal ng mga sasakyang bumibiyahe patungo sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.

Kasabay nito, siniguro naman ng Department of Health (DoH) provincial office na magtatalaga ito ng mga ambulansiya at magbubukas ng mga emergency center sa mga pagdarausan ng prusisyon, misa, at iba pang aktibidad kaugnay ng paggunita sa Kuwaresma.

Nagbigay din ng katiyakan ang Sultan Kudarat Police Provincial Office at Philippine Army na hindi sila magkukulang sa pagkakaloob ng seguridad sa mamamayan, partikular laban sa posibilidad ng pagkilos ng mga armadong grupo sa hangganan ng mga bayan ng Esperanza, Lambayong, at President Quirino. (Leo P. Diaz)

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente