Pinangunahan ni International Master Paulo Bersamina ang National University sa pagpawi sa tatlong dekadang pagkauhaw sa titulo habang nakamit ng De La Salle University ang ikalawang sunod na women’s championship sa pagtatapos ng UAAP Season 78 chess tournament.

Nakatipon ang Bulldogs ng kabuuang 42.5 puntos upang ungusan ang University of Santo Tomas, nagtapos sa natipon nitong 36 puntos.

Pumangatlo naman ang Green Archers na may natipong 29 na puntos sa pagtatapos ng 14 round ng kompetisyon na idinaos sa Henry Sy Sr. Hall sa De La Salle campus sa Taft.

Ang kampeonato ang ikatlo ng NU sa men’s division at una mula noong 1986, sa pamumuno ni Bersamina na siya ring tinanghal na Rookie-MVP ng torneo.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nagtapos naman sa ikaapat ang dethrone champion FEU na mayroong 28 puntos.

Nakalikom din ng kabuuang 42.5 puntos ang Lady Archers para mapanatili ang titulo sa women’s class kontra Lady Tamaraws na nagtala ng 38.5 puntos.

Ang panalo ang ikaanim para sa La Salle na pinangunahan ni Women International Master Bernadette Galas, tinanghal na MVP ng torneo at Women Fide Master Marie Antonette San Diego, nanalong Rookie of the Year.

Pumangatlo ang University of the Philippines na may natipong 34 na puntos.

Maliban kay Bersamina na siyang nanguna sa Board 1, ang iba pang mga individual gold medalist sa men’s division ay sina Vince Medina ng NU (Board 4), Rhenzi Sevillano ng FEU (Board 2), Timothy So Kua ng UST (Board 3), Anfernee Bonifacio ng Ateneo (Board 6) at Jefferson Mansanero ng NU (Board 5).

Kasama naman ni Galang na board medalist sa kababaihan sina Lady Archers Joy Acedo sa Board 3 at WFM Cherry Ann Mejia sa Board 4, Lady Maroon WNM Christy Bernales sa Board 2, Tigress Michaela Concio sa Board 5 at Lady Tamaraw Marife dela Torre sa Board 6.

Samantala sa junior division, nangibabaw ang FEU-Diliman, kontra UST at NU sa pangunguna ni John Marvin Miciano na siyang nagwagi bilang juniors MVP. (Marivic Awitan)