clarkson copy

Lakers management, suportado si Fil-Am Jordan Clarkson.

LOS ANGELES (AP) — Pormal nang nagbigay ng pahayag ang Los Angeles Lakers team management at sinabi ng tagapagsalita ng koponan na suportado nila sina Fil-Am Jordan Clarkson at Nick Young laban sa akusasyong sexual harassment ng isang aktibistang babae.

Ayon kay team spokesman John Black, nakausap na nila ang dalawang isinasabit na player at batay sa naging pahayag nila Young at Clarkson may “different interpretations” na dapat suriing mabuti hinggil sa isyu.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Sinabi rin ni coach Byron Scott na personal na rin niyang nakausap ang dalawa hinggil sa insidente na naganap nitong Linggo (Lunes sa Manila) kung saan inakusahan ni Alexis Jones, isang aktibista sa sexual harassment at domestic violence, sina Young at Clarkson ng ‘verball abuse’ at ‘sexual harassment’. Iginiit naman ni Scott na walang intensyon ang koponan na bigyan ng ‘disciplinary action’ ang dalawang sangkot na player.

Ayon sa pahayag ni Jones sa ESPN, gayundin sa kanyang post sa Instagram, na dumanas sila ng pambabastos sa grupo ng kalalakihan nang makasabay nila ito sa stop light sa kanto ng La Brea at Melrose Avenue sa Hollywood. Sa social media, nakilala sina Young at Clarkson na siyang nambastos kay Jones at sa kanyang ina.

“Our conclusion is that there are different interpretations of what happened,” sambit ni Black. “We support Nick and Jordan and believe what they told us about the incidents and their actions. We also are supportive of Alexis and her feelings about what happened, about women’s rights, and of the fine work Alexis is doing with her organization.”

Ayon kay Black, sinubukan ng Lakers management na makausap sa isang pagpupulong si Jones, ngunit hindi ito ‘available’ sa oras na na nais ng grupo. Aniya, interesado silang marinig ang pahayag ni Jones at makapagbigay na rin ng programa sa mga player hinggil sa isyung ito.

“I talked to those guys (Monday) about that incident,”sambit ni Scott, bago ang laro ng Lakers kontra Memphis Grizzlies nitong Martes (Miyerkules sa Manila).

“My conversation with them is always private, and we’re just going to leave it at that,” aniya.

Sa kasalukuyan, si Clarkson ang Lakers’ starting shooting guard at ikalawa sa scoring na may 15.5 puntos kada laro.

Kabilang siya sa inaasahang papalit sa puwesto na mababakante ng nagretirong si Kobe Bryant. Inaasahan ding makakasama siya sa Gilas Pilipinas para sa kampanya ng Pilipinas sa Olympic qualifying sa Hulyo.