Petron Lakbay Alalay (photo for Page 11) copy

BUNSOD ng inaasahang dagsa ng mga motorista na uuwi sa lalawigan, muling ikinasa ng Petron Corporation ang Lakbay Alalay roadside motorist campaign ngayong Semana Santa.

Ngayo’y nasa ika-30 taon na, magkakaloob ang Petron, katuwang ang ibang kumpanya, ng libreng tulong sa mga motorista at biyahero upang matiyak na ligtas ang kanilang pagbabakasyon.

Bukod sa roadside assistance at safety check up ng mga sasakyan, mag-iikot din ang ilang kinatawan ng Petron sa mga bahay-bahay upang mag-alok ng libreng pag-iinspeksiyon sa liquefied petroleum gas (LPG) upang makaiwas sa sunog.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Kaakibat din ng pinakamalaking kumpanya ng langis sa bansa ang Philippine National Police na nakapuwesto sa mga Petron gas station sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan ngayong Semana Santa.

Tutulong din sa Petron Lakbay Ligtas program ang iba’t ibang car at motorcycle cub sa pagbibigay ng impormasyon sa mahahalagang kaganapan sa mga pangunahing lansangan, lalo na tungkol sa mga sakuna upang mabilis na makaresponde ang mga emergency crew at rescue unit.

Isa sa mga kaakibat ng Petron Lakbay Alalay ay ang Honda Cars Philippines, Inc. (HCPI) sa pagbibigay ng libreng road assistance sa lahat ng sasakyan sa mga piling pangunahing lansangan sa buong bansa.

Tinaguriang Honda Emergency Assistance Team (HEAT), 24 na dealership nito ang makikibahagi sa taunang programa sa pagbibigay ng serbisyo publiko at road safety advocacy.

Bukas mula ngayong Huwebes Santo hanggang Sabado de Gloria (8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon) at sa Linggo, Pasko ng Pagkabuhay (8:00 ng umaga hanggang tanghali), seserbisyuhan ng HEAT nang libre ang ano mang uri ng sasakyan na mangangailangan ng tulong tulad ng diagnostic system check up, emergency assistance at travel advisory.

Handa rin ang HEAT na magkaloob ng iba pang serbisyo sa presyong abot-kaya ng mga motorista tulad ng preventive maintenance, light to medium repair, change oil, tune-up, brake service, at windshield treatment.

Maaaring tawagan ang HEAT roving team sa 0995-6647486, 0995-6647488, at 09556647489. (ARIS R. ILAGAN)