Bagamat nai-freeze ang isa pang pinaghihinalaang bank account ni dating Chief Justice Renato Corona, nadiskubre ng Sandiganbayan Second Division na P5,000 na lang ang laman nito.

Sa report na isinumite ni Sheriff IV Alexander Valencia ng Second Division, ang naturang bank account ni Corona ay naka-freeze sa Landbank-Supreme Court Extension Office.

Napag-alaman ni Valencia kay Landbank Vice President Rosemari Osoteo ang tungkol sa P5,000 bank account ni Corona sa pamamagitan ng isang liham na may petsang Pebrero 29. Ang naturang bank account ay saklaw ng garnishment order na inilabas noong Enero 26.

Nahaharap si Corona at maybahay nitong si Cristina sa forfeiture case ng P130-milyon halaga ng umano’y ill-gotten wealth na sinasabing nakamkam ng una nang ito ay nagsisilbing punong mahistrado pa ng Korte Suprema.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi ni Valencia na kabilang sa isinailalim sa garnishment ang bank account ni Corona sa Landbank-Taft Avenue, na naglalaman umano ng P2,158.94; joint account ng mag-asawa sa Banco de Oro-Loyola Heights-Berkeley Residence, P614; BPI, P1,056.27; at isang account sa Philippine National Bank-Diliman Branch, P6,524.71.

Dahil dito, lumilitaw na ang suma-total ng mga natitirang bank asset ng mag-asawang Corona ay nasa P15,354.98.

Bukod sa kaso sa Second Division, nahaharap din si Corona sa walong bilang ng perjury at walong bilang ng paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials sa Sandiganbayan Third Division, dahil sa pagsisinungaling umano sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) sa kanyang termino bilang chief justice. (Jeffrey G. Damicog)