Inabisuhan ni Department of Transportation and Communications (DoTC) Secretary Emilio Abaya Jr. ang mga pasahero na magtutungo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na agahan ang pag-check in sa paliparan dahil sa paghihigpit ng seguridad bunsod ng nangyaring bomb attack sa Brussels, Belgium kamakalawa.
Dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong Semana Santa, personal na nag-inspeksiyon si Abaya sa NAIA upang matiyak ang kaligtasan at seguridad sa naturang paliparan.
Sinabi ni Abaya na madaragdagan ang oras sa pag-iinspeksiyon ng mga bagahe, pasahero at sasakyang pumapasok sa NAIA.
Umapela ang kalihim sa publiko ng karagdagang pang-unawa dahil ang mga ipinatutupad na hakbang ay para na rin sa kanilang kapakanan.
Samantala, inatasan na rin ni Abaya ang airport security authorities na pag-ibayuhin ang kanilang operasyon bunsod ng naganap na pambobomba sa main terminal ng Brussels airport at train station sa Belgium kung saan umabot na sa 30 ang naiulat na namatay. (Ariel Fernandez)