Pinayuhan ng Department of Health (DoH) ang mga nagpepenitensiya na sa halip na magpapako ay magpatali na lang sa krus upang makaiwas sa tetano.

“Mas okay] kung puwede ‘wag na magpapako, puwede namang magpatali na lang,” payo ni Health Secretary Janette Loreto-Garin.

Ito ay sa kabila ng dumaraming nagpapapako sa krus tuwing Biyernes Santo, upang ipamalas ang kanilang pagsisisi sa panahon ng Kuwaresma.

Naging atraksiyon na rin sa ilang lugar sa bansa, partikular sa Pampanga, ang naturang ritwal na dinarayo hindi lang ng mga lokal na turista kundi maging ng mga banyaga.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon sa Center for Disease Control and Prevention, ang tetano ay nakamamatay at ang sintomas ay paninigas at pamamanhid ng muscle.

Pinayuhan ng DoH chief ang mga nagpepenitensiya na tiyakin na walang kalawang ang pakong gagamitin upang makaiwas sa tetano.

Aniya, makatutulong din ang pagbabakuna ng anti-tetanus bago magpapako sa krus.

At sakaling nasugatan na, maaari pa rin aniyang magpa-anti-tetanus shot sa loob ng 24 oras upang maiwasan ang nakamamatay na sakit.

Dapat ding magpatingin sa doktor ang mga nagpapako sa krus at nagpenitensiya kung nilagnat dahil posibleng senyales ito ng impeksiyon. (Charina Clarisse L. Echaluce)