Kabilang ang chess sa 10 priority sports ng Philippine Sports Commission (PSC), ngunit walang atleta ang sports sa priority list ng ahensiya sa kabila ng presensiya ng 15 Pinoy Grandmaster.
Isinawalat mismo ni National Chess Federation of the Philippines (NCFP) Executive Director at GM Jayson Gonzales ang kalagayan ng asosasyon na unti-unti na itong iniiwanan ng mga grandmaster kapalit ang pagtuturo at pagiging coach sa loob at labas ng bansa.
“Sana man lamang ay itaas ng PSC ang allowances ng ilang top player natin sa P20,000 mula sa karampot na P12,000 kada buwan lalo na ang mga world class Grandmasters,” sabi ni Gonzales.
Idinahilan ng PSC na hindi nakasali ang Chess sa mga pinaglabanang sports sa nakalipas na 28th SEA Games at hindi din isasali sa pagsasagawa ng 29th SEA Games na iho-host ng Malaysia kung kaya hindi nararapat bigyan ng insentibo at prayoridad. Bukod dito, iginiit ng PSC na walang naibigay na tagumpay ang chess sa world tournament sa nakalipas na mga taon.
“Kahit kami nagtataka na kasama nga kami sa 10 NSAs na top priority sports ng PSC pero kami lang din ang walang top priority athletes, lahat meron naman,” sabi ni Gonzales. “Sana huwag nilang i-apply na di nakasali sa Southeast Asian Games ang mga players kasi di naman kasalanan nila ang pagkakatanggal ng chess kundi ng host country.”
Dahi hindi sapat ang tinatanggap na P12,000 kada buwan, ilang grandmasters ang ngayon ay napipilitan na mag-sideline sa pagtuturo ng chess sa internet o computers hanggang madaling araw kaya napupuyat at minsa’y nakakaapekto sa performances sa ilan sa mga sinasalihang torneo sa labas ng bansa.
“Ang ilan naman sa kanila’y nangungupahan ng apartment, yung iba may hinuhulugang maliit na bahay. May pamilya pa sila kaya hindi talaga kasya ang P12,000 sa isang buwan nilang badyet. Kaya naghahanap sila ng sidelines para mabuhay. Iyung iba napipilitan sumali sa mga tournament na may malalaking cash prizes,” sabi ni Gonzales.
Ilan sa top players ng bansa na may P12,000 allowance ay sina GMs Eugenio Torre, Rogelio Antonio, Jr., at John Paul Gomez kung kumpara sa tinatanggap na P40,000 at P40,000 exposure allowance ng mga top priority athletes ay maliit.
May ilang manlalaro rin ang ginusto na lang manatili sa Estados Unidos sa pagtuturo roon ng chess at nakakasali sa maraming weekend tournament kaysa manatili sa bansa. (Angie Oredo)