Nagharap nitong Martes ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng kasong kriminal sa Department of Justice (DoJ) laban sa dalawang negosyanteng dayuhan na sangkot sa umano’y $80.88-million money laundering scam.
Kinasuhan si Kim Wong, na unang tinukoy sa Senado bilang utak ng umano’y financial scam; at ang Chinese casino junket operator na si Weikang Xu ng paglabag sa Sections 4 (a) at (b) ng RA 9160 (Anti-Money Laundering Act of 2001) dahil sa kanilang pagkakasangkot sa napaulat na paghuthot ng $ 80.88 million mula sa Central Bank of Bangladesh, na lumusot sa bansa sa pamamagitan ng Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC).
Sa pamamagitan ni AMLC Deputy Director Vencent Salido at nina Rafael Echaluse, Monico Villar, Jr., Alvin Bermido, Jerome Golpo, at Ma. Ivy Lanuevo, ng AMLC Compliance and Investigation Group, ibinatay ng ahensiya ang reklamo sa testimonya ni RCBC Jupiter Branch Manager Maia Santos-Deguito sa Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng insidente.
Matatandaang sinabi ni Deguito na si Wong ang nagsagawa ng referral para sa pagbubukas ng mga account na “Michael Francisco Cruz”, “Jessie Christopher M. Lagrosas”, “Alfred Santos Vergara”, at “Enrico Teodoro Vasquez” sa RCBC Jupiter Branch. Pawang peke ang nasabing mga account.
Ayon sa AMLC, ang nasabing mga account, na binuksan noong Mayo 15, 2015, ay ginamit sa paglilipat ng mga ninakaw na pera. Si Deguito umano ang nangasiwa sa paglilipat ng pera ng Bangladesh sa apat na account nitong Pebrero.
Kaugnay nito, kahit na may naiulat na banta sa kanyang seguridad ay tumanggi si Deguito na sumailalim sa witness protection program (WPP) ng DoJ.
Ito ang napag-alaman kay Sen. Teofisto “TG” Guingona III, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na nagsabing hinihintay pa ng lupon ang karagdagang testimonya ng iba pang personalidad na posibleng may nalalaman sa pinakamalaking money laundering scam sa kasaysayan ng bansa.
Ang ikatlong pagdinig sa naturang kontrobersiya, na dawit ang ilan pang opisyal ng RCBC, ay itinakda sa Martes, Marso 29. (Leonard Postrado at Mario Casayuran)