Muling lalarga ang pinakamahaba at pinakamatandang salit-salitang takbuhan – Araw ng Kagitingan Ultra-Marathon (A tribute to World War II veteran) – sa Abril 8-9 sa pamosong Death March Trail sa Bataan.
Libre ang pagsabak sa patakbo na tanyag din bilang Death March Memorial Run at inorganisa ng Safer Runners of San Fernando.
Tulad ng nakaugalian, sisimulan sa Death March Kilometer Post 0 Marker ng Mariveles, Bataan ang karera kung saan pamumunuan ni Mayor Jesse Concepcion ang kaganapan, sa pamamagitan ni local civil registrar Ross Romero at ng Provincial Tourism Office, kung saan sisindihan ang Simbolikong Sulo ng Katapangan ng isang Buhay na Bayani at ipapasa sa founding organizer na si Ed Paez para sa nakagawiang na “Walk with the Heroes”.
Ang kabuuang 102-kilometrrong patakbo ay matatapos sa Ciudad de San Fernando.
Ipinakita ng mga “modern-day” marchers ang Pinoy ingenuity sa pamamagitan ng pagsasama ng sports at pagtanaw ng utang na loob sa ating Bataan War Heroes sa relay-run na ito, subalit sa pagdaan ng panahon, marami na ang nagbago…… Ang unang sasakyang ginawang mobile food, water & passenger vehicle, na isang dump truck ay wala na.
Pumalit dito ang mga pribadong behikulo at sasakyan ng estado, na umaalalay sa mga makabayang mananakbo, na umaabot ng lagpas 200 ang kalahok.
Bukod sa running club ni Paez, makakasama rin ang Philippiine Army’s Special Services Center, ASCOM, AFP’s TRADOC, Mechanized Infantry Division, Runners Plus, Sta. Rosa City RC, Rotary Club of Baywalk – Manila, Mariveles RC, Caloocan North RC at iba pa sa Tribute Run, na magpapalipas uli ng magdamag sa Lubao Municipal Gym, sa pag-alalay ng Patriotic Pineda Clan, na binubuo nina Gov. Lilia Pineda, Vice Gov. Dennis Pineda at Lubao Mayor Mylyn Pineda-Cayabyab.
Matapos ang simpleng palatuntunan sa Death March Km. 102 (Sto. Niño Railway Staion, City of San Fernando), kasama sina Mayor Edwin Santiago, Rep. Oscar Rodriguez at ang tropang beterano ni VFP-Pampanga head Pedro Cabrera, sasakay ang mga runners sa kanilang mga back-up vehicles patungong Sto. Domingo Railway Station ng Capas, Tarlac , kung saan sisimulan ang natitirang 12-km. ng Infamous Trail, na magtatapos sa Capas National Shrine (Camp O’Donnell), kasama si Capas Mayor Antonio Rodriguez.