Posibleng managot ang mga opisyal ng Kasarinlan High School sa Caloocan City sa umano’y panggagahasang nangyari sa loob ng campus nitong Marso 15, ayon sa Department of Education (DepEd).
Sinabi ni Rita Riddle, DepEd Caloocan Division head, na maaaring papanagutin ang mga opisyal ng paaralan kapag napatunayan na “lacking and poor”ang seguridad sa campus.
Nakipag-usap si Riddle nitong Lunes sa biktimang Grade 10 student, sa mga magulang nito, at sa mga tauhan ng eskuwelahan upang dinggin ang kanilang mga panig sa insidente.
Sinabi ng mga magulang ng biktima kay Riddle ang tungkol sa kawalan ng aksiyon ni Principal Julie Danao, at ng mga staff nito kaugnay ng insidente.
Ayon sa ama ng 15-anyos na dalagita, hindi nakipagtulungan si Danao at posibleng hinayaang makatakas ang suspek na si Rex Alejandro.
Gayunman, itinanggi ito ni Danao at sinabing agad niyang iniulat ang insidente sa Division Office ng DepEd, na sinegundahan naman ni Riddle. (Jel Santos)