LOS ANGELES, CA -- “Liliwanag na naman ang bahay namin mamaya darating na si Jinkee at mga bata eh.”

Hindi magkandaugaga si Pinoy champ Manny Pacquiao sa kanyang paghahanda para sa masaganang hapunan kapiling ang kanyang maybahay na si Jinkee at mga anak na dumating dito mula sa Manila Linggo ng gabi (Lunes sa Manila).

Naging tradisyon na ng pamilya ang sama-samang manood at sumuporta sa kanilang ama sa muling paglaban nito kay American Timothy Bradley sa Abril 9 sa Las Vegas.

Personal na sinalubong ng dating World Boxing Organization welterweight titlist si Jinkee at mga anak na sina Jimwell, Michael, Princess, Queenie at Baby Israel sa Tom Bradley Airport.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Masaya na naman ang bahay,” sambit ng Sarangani Congressman.

“Buo na naman kasi ang pamilya.”

“And because loved ones are here, I’ll be more inspired in my training for my coming fight (against Timothy Bradley). Iba siyempre kapag makakasama na uli ang pamilya kahit more than a week lang kaming magkakahiwalay,” aniya.

Higit ang gilas at sipag ni Pacquiao sa ensayo ngayong kasama niya ang buong pamilya na nalayo rin sa kanya ng ilang linggo mula nang simulan ang pagsasanay dito may tatlong linggo na ang nakalilipas.

“Medyo mabigat na ang ensayo habang palapit nang palapit ang laban,” pahayag ni Pacquiao, tungkol sa kanyang duwelo kay Bradley.

Ipinagpasalamat naman ni Jinkee sa Diyos ang ligtas at mapayapang biyahe, gayundin ang masilayan muli at makapiling ang pinakamamahal na kabiyak.

“Maganda ang naging biyahe namin at salamat at nakarating kami nang ligtas dito upang magkasama-sama kami muli,” sambit ni Jinkee. “Sabik na sabik na rin naman kaming magkita-kitang muli. Lalo na ang mga bata.”

“Almost a week lang kaming magkakahiwalay pero parang napakatagal na. When we were still in the country, halos hilahin na nga namin ang mga araw para bakasyon na ng mga bata at makalipad na kami papunta dito.”

“Masayang-masaya na ako ngayon na magkakasama na kaming buong pamilya. Salamat sa Panginoon,” sambit ni Pacquiao.

“Now that we are again together, praying together and going to church together, the more I will be focused on my training for the coming fight. Now that all of us are here, lalo na akong mai-inspire sa ensayo. My family’s presence will motivate me further to winning that fight,” aniya. (Eddie Alinea)