SA ikalawang debate ng mga kandidato sa pagkapangulo nitong Linggo sa Cebu ay nasaksihan ng publiko kung paano pinanatili ng bawat kandidato ang pagiging kalmado sa gitna ng mainit na balitaktakan.

Pinamunuan ko ang dalawang kapulungan ng Kongreso kaya alam ko na ang pressure ay katutubong bahagi ng trabaho ng pangulo. Kailangan ng isang pangulo ang pinakamataas na uri ng liderato hindi lamang sa pakikitungo sa mga mambabatas kundi sa paglutas sa mga suliranin ng bansa.

Maraming humihiling sa akin na paghambingin ang halalan noong 2010 at ngayong 2016, dahil marahil sa aking karanasan bilang kandidato noon, at dahil wala na ako sa pulitika ngayon.

Masasabi ko na ang mahahalal na pangulo sa Mayo ay haharap sa lalong mahirap na sitwasyon kaysa sumalubong kay Pangulong Benigno Aquino III noong 2010.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Halimbawa, maganda ang kalagayan ng ekonomiya noong 2009-2010, ayon sa UN Report on World Economic Situation and Prospects. Maraming bansa ang nakaranas ng paglakas ng kabuhayan kasabay ng pagbangon ng pandaigdigang kalakalan at industriya pagkatapos ng krisis noong 2008.

Sa kasalukuyan, ang larawan ng Pilipinas ay may kalabuan. Nananatiling mahina ang ekonomiya ng US, ang China ay lubhang bumagal, at ang presyo ng langis ay pabagu-bago.

Ang paghina ng ekonomiya ng China at ang recession sa Japan ay tiyak na makaaapekto sa ekonomiya ng Pilipinas. Dahil dito, haharap ang bagong pangulo sa posibleng paghina ng ekonomiya.

Gaya ng binanggit ko sa nakaraang pitak, ang susunod na pangulo ay haharap sa limang isyung lokal: kapayapaan, kilusan sa paghiwalay sa Mindanao, paghihimagsik ng mga komunista, ilegal na droga at ang usapin sa West Philippine Sea.

Kailangan nating maunawaan na bahagi tayo ng ekonomiya ng daigdig at apektado ng pag-angat at pagbaba nito.

Halimbawa, sinabi ni Labor Secretary Rosalinda D. Baldoz kamakailan na 1.5M manggagawang Pilipino sa Gitnang Silangan ang nanganganib mawalan ng trabaho kapag nagbawas ng produksiyon ng langis ang Saudi Arabia at ibang bansa sa rehiyon, dahil sa patuloy na pagbagsak ng presyo ng petrolyo.

Sa aking pananaw, ang Saudi Arabia, na pinamumunuan ng isang monarkiya, ay hindi kagyat na maghihigpit ng sinturon na maaaring magbunga ng kaguluhan sa pulitika sa nasabing kaharian.

Habang nalalapit ang halalan, magandang suriin ng mga botante ang kakayahan ng mga kandidato na maunawaan ang mga isyu sa labas ng bansa at ang pagiging kalmado sa pagharap sa krisis. (MANNY VILLAR)