Sa pagsisimula ng Holy Week holiday bukas, pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang mga employer na doblehin ang sahod ng magtatrabaho sa tatlong makakasunod na araw.

Sinabi ng DoLE na dapat sundin ng mga employer ang special pay rule na magsisimula bukas, Marso 24, hanggang sa Marso 26 sa paggunita sa Huwebes Santo, Biyernes Santo at Sabado de Gloria.

“I reiterate to our private sector employers our call to observe the pay rules and other core labor and occupational safety and health standards during these holidays in the interest of workers’ welfare and protection,” saad sa pahayag ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz.

Ito ay matapos ideklara ni Pangulong Aquino ang Huwebes Santo at Biyernes Santo bilang regular holiday, at ang Sabado de Gloria bilang special non-working holiday.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa regular holiday, makatatanggap ang mga empleyado ng dobleng sahod sa unang walong oras ng kanilang trabaho.

Kapag lumagpas sa walong oras ang kanilang pagtatrabaho, tatanggap din sila ng 30 porsiyento ng kanilang hourly rate.

Bukod dito, babayaran din sila ng kanilang employer ng karagdagang 30 porsiyento ng kanilang arawang sahod kung natapat ang holiday sa kanilang day off.

Samantala, ang mga empleyado na hindi papasok sa regular holiday ay matatanggap pa rin nang buo ang kanilang suweldo para sa araw na iyon. (Samuel P. Medenilla)