Tanggap ng sambayanan ang pagkakaisa ng mamamayan kaya nasulot na ni Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang Number One slot mula kay Sen. Francis “Chiz” Escudero sa huling vice presidentiables survey ng Pulse Asia at ABS-CBN.

Ayon kay Marcos, malinaw sa taumbayan ang kanyang panawagang pagkakaisa kaya nakuha niya ang unang puwesto sa hanay ng mga kandidato sa pagka-bise presidente, batay sa survey ng Pulse Asia na isinagawa nitong Marso 8-13 at nilahukan ng 4,000 respondent.

Si Marcos ay nakakuha ng 25 porsiyento habang si Escudero ay natapyasan ng isang puntos, o may 24% na lang, samantala, nasa ikatlong puwesto si Liberal Party (LP) bet Camarines Sur Rep. Leni Robredo, na nakakuha ng 20 porsiyento.

Nasa ikaapat na puwesto si Sen. Alan Peter Cayetano na may 13 porsiyento, kasunod si Sen. Antonio Trillanes IV, na may anim na porsiyento, at si Sen. Gregorio “Gringo” Honasan, na may limang porsiyento.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Sa kabuuan, bumaba sina Escudero at Robredo ng isang puntos, samantalang si Marcos ay tumaas ng 3 puntos kumpara sa Pulse Asia survey noong Marso 1-6, 2016 na kinomisyon din ng ABS-CBN.

Ang huling survey ng Pulse Asia ay mayroong mas malaking sample size na 4,000 respondent. kumpara sa naunang survey na 2,600 lamang. (Leonel Abasola)