ALINSUNOD sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), pagkakalooban ng access ang puwersang Amerikano sa limang base militar sa bansa—isang military reservation at apat na air base.
Ang 35,467-ektaryang military reservation sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija ay may sapat na espasyo para sa magkatuwang na pagsasanay para sa air at sea operations, jungle survival, at guerrilla warfare. Ang apat na iba pang base ay ang Basa Air Base sa Pampanga at ang Antonio Bautista Air Base sa Palawan, parehong malapit sa South China Sea; ang Benigno Ebuen Air Base sa Mactan Cebu, na nagsisilbing transit point para sa mga eroplano at tropa ng Amerika noong Vietnam War; at ang Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro, na nakaharap sa katimugang Mindanao.
Ang Clark at Subic, na dating pinakamalalaking base militar ng Amerika sa labas ng bansa, ay wala sa listahan ng EDCA ng limang base. Ang pagkakabilang ng mga ito ay magpapatindi sa mga protesta ng mga tutol na magbalik sa bansa ang puwersang Amerikano matapos na tanggihan ng Senado ng Pilipinas noong 1991 ang bagong tratado na magpapahintulot sa mga ito na manatili sa Clark at Subic.
Ang EDCA, na nilagdaan noong 2014 ngunit noong Enero lamang pinagtibay ng Korte Suprema ang legalidad, ay nagpapahintulot sa puwersang Amerikano na gamitin ang mga base ng Pilipinas—ang lima na tinukoy nitong Sabado.
Magtatayo ng mga pasilidad upang pag-imbakan ng kagamitan at mga supply para sa magkatuwang na mga aktibidad na kabibilangan ng pagtugon sa kalamidad, kontra-terorismo, cyber security, at pagbabahagi ng mga impormasyon.
“This is not a return to that era,” paglilinaw ni Ambassador Philip Goldberg, tinukoy ang 94 na taon ng mga permanenteng base militar ng Amerika sa bansa mula 1897 hanggang 1991. “There are new 21st century issues,” aniya, “such as maritime security.”
Ang nabanggit na usapin—ang seguridad sa karagatan—ang marahil ay pangunahing dahilan nito, sa panig ng Pilipinas.
Ipinagdadamot na sa atin ang maraming pangisdaan sa paligid ng maliliit na isla, gaya ng Panatag Shoal sa baybayin ng Zambales, noong Marso 5-6. Ayon sa mga Pilipinong mangingisda, binangga ng mga gomang bangka ng Chinese Coast Guard ang kanilang mga bangkang pangisda.
Dumulog na ang Pilipinas sa Arbitral Court sa Hague at hiniling dito na desisyunan ang agawan sa mga teritoryo sa South China Sea, at malapit nang ilabas ang desisyon sa usapin. Isinusulong natin ang maayos na pagresolba sa alitan alinsunod sa pandaigdigang batas, at ang isang ito ay sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Ngunit makatutulong din kung mayroon tayong sapat na kakayahan sa pagdepensa na magbubunsod upang magdalawang-isip ang ibang bansa sa pananakot sa atin.
Ngunit ngayon na ang dalawang air base ng EDCA sa Pampanga at Palawan ay kanugnog lang ng South China Sea at ang isang base ay nasa Cagayan de Oro at nakaharap sa katimugang Mindanao na patuloy na ginigiyagis ng insurhensiya, dapat lang na magkaroon na tayo ng pagpapahalaga sa ating pambansang seguridad, na hindi pa natin taglay sa ngayon.