Masusubok ang husay at katatagan ng limang Pinoy differently-able athlete na sasabak sa 2016 Rio ParaLympics sa pagsasagawa ng PHILSpada-NPC Philippines talent identification program na 5th PHILSpada National Para Games 2016 sa Marikina Sports Center simula Marso 28 hanggang Abril 2.

Ito ang sinabi mismo ni PHILSpada president at dating Philippine Sports Commission (PSC) commissioner Mike Barredo kasama ang Executive Director nito na si Dennis Esta sa opisyal na paglulunsad ng aktibidad na tatampukan ng 10 sports.

“We would like to seek your help in informing the entire country of this sports activity for our differently-able athletes especially now that we are being recognized not just in the whole world but of our legislators and lawmakers that recently help us in providing us the needed laws,” sabi ni Barredo.

Ang limang nakapagkuwalipika sa Rio Paralympics ay kinabibilangan nina Ernie Gawilan sa swimming, Josephine Medina sa table tennis, Jerod Pete Mangliwan at Andy Avellana sa athletics at si Adeline Dumapong-Ancheta sa power lifting.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Umabot sa kabuuang 570 atleta at opisyal ang agad na nagpalista sa torneo na tampok ang sports na athletics, swimming, badminton, chess, boccia, power lifting, goal ball, table tennis, wheelchair basketball at tenpin bowling.

Pinasalamatan din ni Barredo ang mga mambabatas na tumulong sa differently-able athletes na inanyayahan nito bilang panauhing pandangal sa torneo na sina Congressman Joseller “Yeng” Guiao, Win Gatchalian, Anthony Del Rosario at Miro Quimbo gayundin si Marikina City Mayor Del De Guzman.

Itinakda ang opening ceremony sa Marso 29 habang ang rehistrasyon at classification para sa mga kategorya na visually impaired (VI), Cerebral Palsy (CP), Intellectual Disability (ID), Orthopedically Handicapped (OH) at Deaf ay sisimulan sa Marso 27 at 28.

Nauna nang nagparehistro ang Pangasinan, Pampanga, Bulacan, Baguio, Benguet Province, Vigan, Sorsogon, NCR, Calabarzon, Bacolod, Iloilo, Cebu, Tacloban, Cagayan De Oro, Iligan, Davao City, Davao Del Norte, Koronadal, Misamis Oriental, General Santos, Zamboanga City at Butuan. (ANGIE OREDO)