ZAMBOANGA CITY – Nasa P7 milyon halaga ng ari-arian ang naabo bago maghatinggabi nitong Lunes, at may 200 katao ang nawalan ng tirahan sa pagkatupok ng mahigit 50 bahay sa gilid ng national highway sa Barangay Divisoria sa Zamboanga City.
Ayon kay SFO1 Joey Jimenez, Zamboanga City Central Fire Station, nagsimula ang sunog dakong 11:30 ng gabi at naapula bandang 3:30 ng umaga kahapon.
Sinabi ni Jimenez na nagsimula ang sunog sa isang bahay na walang tao nang mga oras na iyon. Aniya, wala ring nasaktan sa insidente.
Gayunman, dismayado ang ilan sa mga nasunugan, iginiit na 20 minuto na ang sunog nang rumesponde ang mga bombero.
Wala rin umanong dalang tubig ang rumespondeng fire truck, anila.
Nakatuloy ngayon ang mga nasunugan sa covered court ng Bgy. Divisoria habang naghihintay ng ayuda mula sa pamahalaang lungsod. (Nonoy E. Lacson)