Itinanggi ni Public Attorneys’ Office (PAO) chief Persida Acosta ang pahayag ng Sta. Rosa Police sa Laguna na ang kanyang kliyente ang nagpapatay sa mag-ina nito noong Marso 2.
Ayon kay Acosta, sa maghapong interogasyon sa kliyente nitong si “Richard”, hindi niya ito nakitaan ng patunay na ito ang utak sa pagpatay sa sarili nitong asawa at anak.
Sa kanyang pagkakaalam, aniya, hindi magagawa ng nasabing ama ang karumal-dumal na krimen sa sariling pamilya dahil kilala ito sa kabaitan at pagiging matulungin.
Sinabi ni Acosta na dapat mag-ingat ang mga pulis dahil posibleng panggugulo lang o pagtatakip ang paratang ng sumukong suspek para hindi matukoy ang tunay na nasa likod ng krimen.
Inihalintulad ni Acosta ang kaso sa Vizconde massacre, na unang itinuro si Ginoong Lauro Vizconde, padre de pamilya ng mga biktima, na nasa likod ng krimen. Gayunman, nadakip din ang mga tunay na salarin sa kaso.
Matatandaang isang “David dela Cruz”, ang nagpakilalang internet repairman mula sa Globe Telecom, ang nagpunta sa bahay ng biktima at pinatay si Pearl Helene Sta. Ana at anak nitong lalaki sa Sta. Rosa, Laguna, sa pamamagitan ng paghahampas ng martilyo.
Nanatiling “person of interest” si Richard hanggang sumuko ang isa sa dalawang suspek na si Ramoncito Gallo at ituro ang nasabing padre de pamilia bilang mastermind sa karumal-dumal na krimen. (Rommel P. Tabbad)