Isang araw matapos idaos ang ikalawang PiliPinas 2016 presidential debate, binawi ng One Cebu political coalition, sa pamumuno ni Winston Garcia, ang suporta nito kay United Nationalist Alliance (UNA) standard bearer Vice President Jejomar limang araw lamang ang nakalipas matapos mabuo ang alyansa ng dalawang grupo.
“One Cebu entered into an alliance with UNA in the belief that it will be a partnership of equals,” ayon sa official statement ni Garcia.
“We were wrong. Dead wrong. UNA treated One Cebu like Imperial Manila treats the rest of the Philippines—for all intents and purposes, with absolute contempt and disrespect,” dagdag niya.
Hindi naman nabulabog si Binay sa pagkalas ng One Cebu sa UNA.
“Let’s put it this way, there are losses and there are gains,” pahayag ni Binay sa mga mamamahayag sa Mactan, Cebu kahapon.
Matatandaan na idineklara ng One Cebu at UNA ang pagkakabuo ng isang alyansa na ipinagmalaki ni Binay.
Kandidato sa pagkagobernador ng Cebu sa eleksiyon sa Mayo 9, si Garcia ay dating general manager ng Government Service Insurance System (GSIS).
Kinondena ni Garcia ang umano’y pagkakanya-kanya ng UNA sa pagpili ng mga susuportahang kandidato sa lokal na posisyon, kabilang ang mga kalaban sa pulitika ng One Cebu na umano’y pinagmumulan ng pagkawatak-watak ng kanilang hanay.
Wala namang ideya si Binay kung ano ang nag-udyok sa grupo ni Garcia para abandonahin ang UNA.
“Hindi nga kami nagkakausap. Kung may pagkukulang kami, hindi ko nalalaman ‘yun,” ayon kay Binay.
Sinabi naman ni retired Armed Forces chief of staff Gen. Hermogenes Esperon, isa sa mga political adviser ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte, na lumipat sa kanilang kampo ang One Cebu upang suportahan ang kandidatura ng alkalde.
(ELLSON A. QUISMORIO)