paolo angeles copy

KAIBIGAN pala ng Hashtags member na si Miguel Paulo Angeles si Diego Loyzaga na kinasuhan na ng magkapatid na Wilmer Paolo at Wilmer Angelo Lopez sa umano’y pambubugbog.

Ayon kay Paulo, hindi magagawa ni Diego na manakit dahil nakilala niya itong mabait at mapagkumbabang tao nang magkasama sila sa seryeng MiraBela na pinagbidahan nina Julia Barreto, Enrique Gil at Sam Concepcion.

“Diego is my friend po, magkasama po kami sa MiraBela,” simulang kuwento ni Paulo nang makatsikahan namin siya sa dressing room ng It’s Showtime nitong nakaraang Huwebes. “Knowing Diego, mabait po siya at hindi ako showbiz pero nu’ng MiraBela days, si Diego ‘yung nag-welcome po sa akin sa pagiging artista, mabait po siya sa akin at kahit pag-tripan ko siya, inaasar ko siya, hindi siya pikon, never nagkaroon ng point na napikon siya. For me po, support ko si Diego all the way.”

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

May ilan pang Kapamilya aktor kaming nakausap na ayaw magpabanggit ang pangalan na nagsabi ring hindi raw basagulerong tao si Diego.

Nagpahayag na rin ang ka-love team ni Sofia Andres na hindi niya nambugbog o hindi siya nag-utos na bugbugin ang magkapatid dahil sa katunayan ay nabugbog din siya.

Samantala, maingay na ang grupong Hashtags kaya naging interesado kaming panoorin ang production numbers ng grupo sa It’s Showtime at halos lahat ay magagaling sumayaw at sabay-sabay gumalaw, mapapansin na lang kung sino talaga ‘yung mas suwabe ang galaw at pitik.

May background na sa dancing si Paulo noong high school kaya hindi siya nahirapan sa audition ng Hashtags at nakasama siya sa labing-isang miyembro.

Dalawang taon na sa showbiz si Paulo, at napanood na siya sa Sana Bukas Pa Ang Kahapon nina Bea Alonzo at Paulo Avelino noong 2014 bukod sa MiraBela na ipinalabas din nang taong iyon.

Si Michelle Vito ang ka-love team ni Paolo at napasama rin sila sa Dream Dad nina Zanjoe Marudo at Jana Agoncillo bilang anak ni Atoy Co.

Sina Paulo at Michelle rin ang love team sa seryeng Someone To Watch Over Me nina Judy Ann Santos-Agoncillo at Richard Yap na hindi natuloy nang magbuntis si Juday at nabalitang tuloy na sa Disyembre.

“Kaya Showtime lang talaga po ang regular show ko ngayon,” say ni Paulo.

Habang hindi pa busy ay hindi tumitigil sa pag-aaral sa Trinity University of Asia (dating Trinity College) si Paulo, “I’m taking marketing po.”

Galing si Paulo sa pamilya ng mga doktor at abogado. Pinangarap niyang sundan ang mga yapak ng daddy niyang doktor, pero nag-artista siya kaya business course na ang kinuha niya.

“Pero pumasa po ako sa FEU-NRMF, nutritionist, pero hindi po ako nag-enrol kasi hindi raw po puwede roon ang pa-absent-absent,” kuwento ng binatilyo.

Binalak din kasi niyang maging dietician ng kanyang ama.

Ano ang pipiliin niya, Hashtags o teleserye?

“Siguro po teleserye, wala naman pong boy group na nag-stick forever, di ba?” diretsong sagot ng binata.

Sikat na ba ang Hashtag?

“Ayaw ko pong isiping sikat, pero unti-unti, umaangat na day by day and thankful ako sa opportunity. Kasi two years po ako sa showbiz, hindi naman ako nakilala. I’ll give myself five or six years to make it big at sabi nga po ng handler ko, mas magandang unti-unti para matututo ako para maging humble ka.”

Career path nina James Reid, John Lloyd Cruz, Paolo Avelino at JM de Guzman ang gustong sundan ni Paulo.

“In terms of dancing and singing po, si James Reid po, pero pagdating po sa acting, Paolo Avelino, John Lloyd Cruz at JM de Guzman po,” sabi ng bagitong aktor.