Hindi nakakampante ang gobyerno laban sa pagkalat ng Zika virus sa gitna ng mga pangamba na maaaring maglabas ang United States ng travel alert laban sa bansa.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Herminio Coloma Jr. na patuloy ang Department of Health (DoH) sa pagpapatupad ng mga hakbangin upang mapigilan ang pagkalat ng virus at matiyak ang kalusugan ng mga Pilipino at ng mga bumibisitang dayuhan sa bansa.

“Sa kasalukuyan, pinaigting ng DoH ang monitoring nito sa mga posibleng kaso ng Zika virus sa ilalim ng Philippine Integrated Disease Surveillance and Response (PIDSR) system,” sinabi ni Coloma sa panayam ng Radyo ng Bayan.

“Sa ilalim ng PIDSR, ang lahat ng pinaghihinalaang kaso ng Zika ay kailangang agad na maiulat sa DoH sa loob ng 24-oras. Kailangan nilang sumailalim sa screening sa pamamagitan ng real-time polymerase chain reaction na isasagawa ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) and other similar DoH facilities,” dagdag niya.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Unang sinabi ni Health Secretary Janette Garin na inasahan na ng DoH na maglalabas ang United States Center for Disease and Prevention ng level 2 alert para sa mga bibiyahe sa Pilipinas kasunod ng iniulat na kaso ng Zika na kinasasangkutan ng isang Amerikanong pansamantalang nanatili sa bansa.

Sa alert level 2, ang mga bisita ay kailangang maging mas maingat laban sa Zika habang nananatili sa bansa na may kaso ng virus. (Genalyn D. Kabiling)