Madonna

SYDNEY (Reuters) – Muling binatikos ng Australian fans si Madonna dahil sa inasal niya sa entablado sa una niyang tour “Down Under” sa nakalipas na 23 taon, sa pagkakataong ito ay dahil sa ilang oras na pagkabalam ng kanyang concert at sa pagpapakita niya sa dibdib ng isang tagahanga.

Nadismaya ang concertgoers sa 57-anyos na pop star — na nasa kalagitnaan ng kanyang Rebel Heart World Tour — nang maatrasado ng mahigit dalawang oras ang pagsisimula ng kanyang pagtatanghal sa Brisbane noong gabi ng Marso 16.

“So many upset fans walked out,” tweet ng concertgoer na si @Sally_Springs. “If you can’t show up on time or sing live, it might not be worth the effort.”

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Lalo pang naperhuwisyo ang fans dahil wala na silang inabot na biyahe ng pampublikong transportasyon dahil masyado nang late natapos ang concert.

Sa kanyang sumunod na show sa Brisbane nitong Huwebes, inimbitahan ni Madonna ang isang 17-anyos na babaeng fan sa entablado, hinaltak ang corset na suot ng dalaga kaya ilang segundong nalantad ang isang dibdib nito.

Pabirong sabi ni Madonna: “She’s the kind of girl you just want to slap on the ass, and pull,” bago hinatak ang corset top ng dalaga, na bumaba kaya nalantad ang dibdib nito. Napigil ang paghinga ng mga manonood at napahiyaw naman ang ilan. Pagkaraan ng ilang oras, bumaha na ang pagbatikos sa social media.

“Exploiting young people, taking advantage of them and pulling a sexual stunt like that is NOT OK,” post ng Facebook user na si Pauline Ryeland.

Hindi pa nakukunan ng komento ang mga kinatawan ni Madonna habang sinusulat ang balitang ito.

Sa isang panayam ng pahayagang Courier Mail ng Brisbane, sinabi ng 17-anyos na fan na si Josephine Georgiou, isang barista at part-time model, na hindi niya ikinagalit ang pagkakalantad ng kanyang dibdib.

“Only I get to decide if I’m humiliated or not — why would people assume I am humiliated by my own breast, nipple or body?” sabi ni Georgiou sa pahayagan.

Nauna nang naglabasan ang salaysay ng ilang concertgoers sa show ng Queen of Pop sa Melbourne noong nakaraang buwan na lasing si Madonna nang umakyat sa entablado. Itinanggi ito ng singer at nag-post sa Instagram na siya “could never” do any shows “high or drunk.”

Matatandaang binalot din ng kontrobersiya ang kauna-unahang concert ni Madonna sa Pilipinas noong nakaraang buwan nang umakyat siya sa entablado habang nakabalabal ng ating watawat. Pinuna rin ang mga nakasuot ng madre na nagtanghal sa entablado kasama ng singer, partikular na ng Simbahang Katoliko.

Agad na nakaalis sa bansa si Madonna bago pa man siya maisyuhan ng deportation order ng Bureau of Immigration. Ilan naman ang nagbantang ipapa-blacklist siya sa kawanihan kaugnay ng insidente.